WALA pang opisyal na impormasyon ang Department of Justice (DOJ) kaugnay sa status ng asylum application ni dating presidential spokesperson Harry Roque, kabilang ang ulat na ibinasura umano ang kanyang kahilingan.
Ayon kay Justice Undersecretary Ian Norman Dato, confidential ang mga aplikasyon para sa asylum, partikular sa mga bansang miyembro ng European Union.
Dahil dito, hindi pa makumpirma ng DOJ kung na-deny o hindi ang asylum application ni Roque.
Hindi rin sinabi ni Dato kung saan nakuha ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang impormasyon hinggil sa status ng nasabing aplikasyon.
Matatandaang mismong si Remulla ang nag-anunsyo na ibinasura umano ng ibang bansa ang asylum request ni Roque, na nahaharap sa ilang kaso sa Pilipinas.
Itinanggi naman ito ng dating presidential spokesperson.
(Juliet Pacot)
90 