DRUG LABORATORY SINALAKAY NG PDEA

ISANG drug laboratory ang sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency at bulto-bulto ng hinihinalang droga ang nasamsam sa lalawigan ng Rizal noong Martes ng gabi.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, armado ng search warrant, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Regional Office 4A Special Enforcement Team 1 at 2, PDEA Rizal Provincial Office, PNP Provincial Intelligence Team Rizal, Binangonan Municipal Police Station, at Rizal Police Provincial Office, ang nadiskubreng drug laboratory.

Nasamsam sa inilunsad na anti-illegal drugs operation ang hindi pa matiyak na dami ng suspected illegal drugs, controlled precursors at laboratory equipment na ginagamit sa paggawa ng shabu.

Hanggang kahapon ay maingat na iniimbentaryo ng mga awtoridad ang mga nasamsam na crystal meth mula sa sinalakay na drug laboratory.

Nabatid na bandang alas-11:40 ng gabi ay isinagawa ang pagsisilbi ng lawfully issued search warrant ng korte sa bahay ng mga suspek sa Barangay Macamot, Binangonan, Rizal.

Ang anti-narcotics operation ay sinaksihan ng barangay officials at ilang kasapi ng media para matiyak ang full compliance sa legal procedure.

Kabilang sa mga nasamsam ang 80 putting plastic gallons na hinihinalang naglalaman ng CPECS; 25 plastic bottle na may marking na Molasses; limang bote na naglalaman ng liquid substance na hinihinalang CPECS;

sampung kilo ng ephedrine; 15 round white plastic bottle na naglalaman ng hinihinalang CPECS, humigit-kumulang sa 10 kilograms ng white powdered substance, humigit-kumulang sa 200 gramo ng white crystalline substance na hinihinalang shabu; sampung kilo ng brownish powdered substance, tatlong sako ng white crystalline substance; dalawang sako ng brownish powdered substance, isang malaking berdeng container na may lamang liquid substance na hinihinalang CPECS, mga drug paraphernalia, equipment at apparatus.

Ayon sa ulat, patuloy ang imbestigasyon sa nasabing laboratoryo ng droga na umano’y pinatatakbo ng grupo ng well organized foreign nationals katuwang ang kanilang mga kasabwat na Pilipino.

Habang patuloy ang isinasagawang imbentaryo ay ikinakasa naman ang kasong paglabag sa Section 8 (Manufacture of Dangerous Drugs and/or Controlled Precursors and Essential Chemicals) ng Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga taong pakay ng warrant.

(JESSE RUIZ)

140

Related posts

Leave a Comment