NAGBABALA ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa mga ‘fixer’ na nag-aalok ng serbisyo para pabilisin ang pagproseso ng travel clearance para sa mga menor de edad na bibiyahe sa ibang bansa.
Sa ilalim ng programang Minors Travelling Abroad (MTA), nilinaw ng ahensya na may mga hindi awtorisadong Facebook pages at grupo na nagpapanggap na konektado sa kanilang serbisyo.
Kabilang sa binanggit na mga pahina ang Blackbox Travel and Tourism, Flightdeck Junielen Taniola, at Blackbox Ph Travel Corporation na umano’y nag-aalok ng pagpapabilis ng proseso para sa flights, visa, tours, at travel clearance.
Mariing kinondena ni DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao ang pagdami ng mga ganitong online platforms.
“Mariin pong kinokondena ng DSWD ang mga FB pages at grupong nagpapanggap na konektado sa ating programa at nangangakong pabibilisin ang proseso ng pag-avail sa ating mga serbisyo,” ayon kay Assistant Secretary Dumlao.
Ayon pa sa ahensya, may ilang online groups na umaabot sa 2,200 miyembro na nagdudulot ng pangamba sa pagkalat ng hindi beripikado at posibleng maling impormasyon.
Pinayuhan ng DSWD ang publiko na iwasan ang pakikisalamuha sa mga ‘fixer’ dahil maaari itong magdulot ng komplikasyon at maging sanhi ng hindi balidong aplikasyon.
(PAOLO SANTOS)
77 