LTFRB IPATATAWAG SA SENADO SA HINDI UPDATED LIST NG PUV DRIVERS

NAIS ni Senador Sherwin Gatchalian na magpaliwanag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa hindi updated na listahan ng mga driver ng Public Utility Vehicles (PUV).

Plano ng senador na magpatawag ng pagdinig upang matukoy ang dahilan ng mabagal na pag-update at paglilinis ng listahan.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang listahan ng LTFRB ang ginagamit na batayan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pamamahagi ng ayuda.

Ayon sa kanya, may mga reklamo ng discrepancies sa records ng LTFRB at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagiging sanhi ng pagkaantala sa distribusyon.

Umapela rin ang senador sa DSWD na bigyan ng special consideration ang mga tunay na tsuper na pumipila sa payout centers.

Samantala, iginiit ni Senadora Imee Marcos na dapat matagal nang ipinatutupad ang digital payment system sa pamamahagi ng ayuda.

Ginawa niya ang pahayag kasunod ng pagkamatay ng isang motorcycle taxi rider habang nakapila sa payout.

Ayon kay Marcos, mahalagang matiyak na hindi mababawasan ng transfer fees ang ayuda at dapat itong sagutin ng DSWD at iba pang ahensya.

Hinimok din niya ang pamahalaan na pabilisin ang pakikipag-ugnayan sa mga service provider para sa distribusyon.

Sa panig naman ni Senador Erwin Tulfo, sinabi niyang ikinonsidera na ang digital payment system noong siya ang Kalihim ng DSWD, ngunit naging hadlang ang hindi pa kumpletong national ID system para sa pagkakakilanlan ng mga benepisyaryo.

(DANG SAMSON-GARCIA)

133

Related posts

Leave a Comment