(EDITORIAL)
KUNG noon ay tila poon ang tingin ng Duterte supporters sa kanilang iniidolo, ngayon ay may batik na ito ng pagdududa lalo pa’t bukod sa nadidiin ito sa extra judicial killings probe, heto at nahaharap na naman ang dating administrasyon sa inutang na P6 trilyon.
Nakalulula ang halagang ito lalo na’t hindi na malamang kung saan at paanong hindi na napansin kung saan ito napunta.
Naglaho na nga bang parang bula ang halagang ito na itinaon pa sa kasagsagan ng pandemya ng Covid-19.
Umutang ang gobyerno ng naturang halaga na ang ipinangalandakang pagkakagastusan ay panlaban sa Covid-19 at naipalutang na para ito sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Ngunit, hindi ito lumusot sa mapanuring mata ng oposisyon, isa na si Bayan Muna Party-list Rep. Colmenares na nais paimbestigahan ang inutang ng Duterte administration.
Ang malupit, maging ang Health Emergency Allowance (HEA) ng healthcare workers na ipinangutang ng nakaraang administrasyon ay hindi pa naibibigay nang buo hanggang ngayon.
Ayon kay Colmenares, 90 percent pa lamang umano sa P103.5 billion HEA funds ang naibibigay ng Department of Health (DOH) gayung nautang na ito ni dating pangulong Rodrigo Duterte at bahagi ito ng P6 trillion na kanyang inutang sa loob ng anim na taong termino nito bilang pangulo.
Dagdag pa nito na 2024 na subalit hindi pa buong naibibigay ang P103 billion para sa health emergency allowance. 90% pa lang.
Ang tanong: Nasaan na ang halos P6 trillion na inutang ni Duterte noong termino nya?
Karapatan aniya ng taumbayan na malaman kung paano o saan ginamit ang napakalaking utang na ito lalo pa’t sila ang magbabayad nito sa pamamagitan ng kanilang buwis.
Dahil dito, kailangan aniyang panagutin si Duterte at Department of Budget and Management (DBM) sakaling matuklasang nauwi sa katiwalian ang perang inutang.
Ang P570.04 billion, ayon sa pinakahuling report ng DBM, ay nakalaan sa pandemya ng Covid-19 ngunit doon nga ba ito napunta?
Kailangang masagot ito ng dating administrasyon at mapaniwala ang sambayanan sa kung saan ito nagastos. Napakalaking pera nito at ngayong lugmok na ang populasyon sa utang ay panibagong utang na naman ang nakapatong sa balikat ng mamamayan.
Sa ganito kalaking halaga, hindi malayong maging ang mga sanggol sa sinapupunan ay may utang nang babayaran hindi pa man nailuluwal.
102