BOTO sa impeachment trial na pabor sa kanya ang dahilan kung bakit binali ni Vice President Sara Duterte-Carpio ang kanyang unang sinabi na hindi ito mag-eendorso ng kandidato upang hindi muling ma-scam tulad nang nangyari sa kanya noong 2022 presidential elections.
Ito ang paniniwala ng mga tagapagsalita ng Mababang Kapulungan matapos iendorso ni Duterte ang kandidatura nina Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta, Las Piñas Congresswoman Camille Villar at Senadora Imee Marcos-Manotoc sa pagka-senador.
“Hindi na nakakagulat na nagbago ang posisyon ng ating bise presidente pagdating sa pag-endorso ng mga kandidato sa Senado. Alam naman natin na malapit na ang impeachment trial, kaya natural lang na naghahanap siya ng mga kakampi,” ani House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V.
Sina Villar at Marcos ay orihinal na miyembro ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas (Alyansa Pilipinas) na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., subalit kumalas dito si Imee matapos isuko umano ng Pangulo si dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) habang nakipagkita naman mag-amang dating Senate President Manny Villar at Camille sa bise presidente kung saan nag-‘fistbomb’ pa ang mga ito.
Ayon naman kay Lanao del Sur solon Zia Alonto Adiong, hindi nito masisisi si Duterte na maghanap ng mga kakampi na papabor sa kanya kahit matibay ang ebidensya ng Kamara sa mga kaso laban sa kanya.
(PRIMITIVO MAKILING)
