KAPOS SA PONDO, LUSOT ANG SMUGGLERS

On the Level ni JUNEX DORONIO

NAGBABALA si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na maaaring maapektuhan ang modernization program at kampanya laban sa smuggling kapag hindi naibigay ang kinakailangang budget ng Bureau of Customs (BOC).

Mula sa mahigit P28 bilyong panukalang budget para sa 2027, P5.9 bilyon lamang ang inilaan sa National Expenditure Program (NEP), mas mababa pa sa kasalukuyang P7.7 bilyong budget ng ahensya.

Isang malaking kontradiksyon ito.

Inaasahan ang Customs na mangolekta ng mahigit isang trilyong piso, sugpuin ang smuggling at protektahan ang mga hangganan ng bansa, pero kapos naman sa pondong kailangan para sa modernisasyon.

Kabilang sa mga prayoridad ang karagdagang 124 scanning machines, radiation detection equipment at sariling patrol vessels upang masubaybayan ang mga kahina-hinalang operasyon sa karagatan.

Sa ngayon, umaasa ang BOC sa Philippine Coast Guard at PNP Maritime Command para sa ilang operasyon sa dagat.

Mahalaga ang kanilang suporta, ngunit kailangan din ng Customs ng sariling kakayahan upang mas epektibong labanan ang smuggling.

Hindi maaaring umasa sa mahihigpit na utos at magagandang pahayag lamang.

Kailangan ng makabagong kagamitan, sapat na tauhan at operasyonal na pondo.

Gayunman, dapat tiyakin ng BOC na bawat pisong ilalaan dito ay gagastusin nang tama, walang overpriced contracts at walang korupsiyon.

Dapat maunawaan ng mga nagpapasya sa national budget na ang pamumuhunan sa Customs ay pamumuhunan din sa pambansang seguridad at proteksyon sa kaban ng bayan.

Bawat produktong nakalulusot sa smuggling ay katumbas ng buwis na hindi nakokolekta at perang nawawala sa kaban ng pamahalaan.

Kung seryoso ang gobyerno sa kampanya laban sa smuggling, bigyan nito ang Aduana ng sapat na armas sa modernong pakikidigma sa ilegal na kalakalan.

Hindi pwedeng singilin ang Customs sa resulta kung pinagkakaitan naman ito ng mga kagamitang kailangan upang magtagumpay.

***

Para sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com

25

Related posts

Leave a Comment