ISA pang dayuhang kompanya ang nagpahayag ng interes na magtayo ng oil refinery at depot sa Pilipinas, kasunod ng naunang panukala ng Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC) ng United Arab Emirates (UAE).
Ito ay matapos makatanggap ng liham si Senate Committee on Energy Chairman Sen. Erwin Tulfo mula sa Brightside Industries Group, LLC, isang kompanyang nakabase sa Belgium, na nagpahayag din ng interes na mamuhunan sa pagtatayo ng pasilidad sa bansa.
Ayon kay Tulfo, makabubuti kung mas maraming dayuhang kompanya ang magtatayo ng oil depot at refinery sa Pilipinas upang matiyak ang sapat na suplay ng langis, partikular kung muling magkaroon ng kaguluhan sa Middle East.
“Mas maganda na mas maraming kompanya ang maglagay ng oil depot at refinery sa ating bansa kasi nakatitiyak tayo na hindi na tayo mauubusan ng suplay kung sakaling magkakagulo muli sa Middle East,” pahayag ng senador.
Gayunman, iginiit ni Tulfo na dapat direktang makipag-ugnayan ang nasabing kumpanya sa Department of Energy (DOE) para sa pormal na negosasyon at posibleng kasunduan.
Sa liham ng Brightside, sinabi nitong walang pondong ilalabas ang pamahalaan ng Pilipinas para sa pagtatayo ng naturang pasilidad.
Naniniwala si Tulfo na interesado ang Belgian firm na agad makipagkasundo sa DOE, ngunit kailangan munang suriin ni Energy Secretary Sharon Garin ang mga kondisyon at detalye ng panukala.
Ayon pa sa senador, posibleng katulad ng plano ng ADNOC na mag-imbak ng langis sa Pilipinas ang layunin ng Brightside upang maibenta rin ito sa iba pang bansa sa Asya.
38 