EX-CONG. ‘MEOW’ BARZAGA, WAGI SA AMATEUR BOXING SA TAGAYTAY CITY

NAGWAGI si dating Cavite 4th District Rep. Kiko “Meow” Barzaga sa kanyang exhibition fight kontra Tain Landrito sa Tagaytay Fight Night na ginanap sa Casiana Hotel sa Tagaytay City noong Linggo, Oktubre 18, 2026.

Sa halip na kalmot, suntok ang ipinamalas ni Barzaga sa boxing ring nang makipagsabayan kay Landrito sa kanilang three-round special lightweight bout.

Mula sa Kongreso patungo sa boxing ring, ipinakita ng dating kongresista ang kanyang mga punching combination na tinawag niyang “PAC-MEOW COMBO!”

Idineklarang panalo si Barzaga sa pamamagitan ng decision matapos ang kanilang palitan ng mga suntok sa loob ng tatlong round.

Hindi na bago sa publiko ang interes ng dating mambabatas sa combat sports. Ayon kay Barzaga, nakikilahok na siya sa mga amateur boxing competition bago pa man siya pumasok sa pulitika.

Matapos ang kanyang termino sa Kongreso noong Hunyo 2026, nagkaroon umano siya ng mas maraming oras upang mag-ensayo at higit na pagtuunan ng pansin ang boxing.

Ibinahagi rin ni Barzaga na sumabak siya sa boxing, taekwondo at arnis noong Setyembre 2025.

Sa kabila ng kanilang paghaharap sa ring, pinuri ni Barzaga si Landrito at kinilala ang husay nito, kasabay ng pagsasabing naging maganda ang kanilang laban.

Iginiit naman ni Landrito na sa oras na tumunog ang kampana, husay at kakayahan sa boxing ang dapat manaig, anuman ang katayuan ng mga naglalaban.

Bahagi ang naturang laban ng fight card na inihanda ng Batang Tol Promotions sa pangunguna ni Tagaytay City Councilor Michael Tolentino, katuwang ang Samahang Kickboxing ng Pilipinas (SKP), UKC XXXVI at Elorde Sports Promotions.

123

Related posts

Leave a Comment