PNP NAKAALERTO SA PAGKAMATAY NG SUB-LEADER NG DAWLAH ISLAMIYA

Kurdapyo ni TOTO NABAJA

HINDI umubra ang bagsik ng sub-leader ng ekstremistang grupong Dawlah Islamiya (DI) makaraang masawi ito at 3 pang kasamahan nito sa magkasanib na operasyon ng pulisya at militar sa Maguindanao del Norte.

Nitong Biyernes ng hapon napatay ang sub-leader ng remnants ng DI na si Yusa Ganoy at tatlong iba pa ng pinagsanib na pwersa ng 1st Marine Brigade, 2nd Marine Battalion, at Criminal Investigation and Detection Group–Regional Field Unit Bangsamoro Autonomous Region (CIDG-RFU BAR) sa Barangay Tapayan, Sultan Mastura. Aray naku! Pakak!

Mga Ka-Totong Kurdapyo at Kurdapya, hindi basta-basta o pipitsugin ang grupo ni Ganoy, dahil sangkot sila sa mga serye ng pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat gayundin sa mga insidente ng pagpatay, panununog at iba pang mararahas na aktibidad sa Maguindanao del Sur. Ay ambot sa bakang biyuda. Talaga nga namang may hangganan ang kasamaan!

Isang damakmak din pala ang kasong kinahaharap nitong si Ganoy, tulad ng destructive arson, direct assault, multiple frustrated murder, double murder, qualified direct assault with multiple attempted murder at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Sa halip kasi na sumuko sa mga awtoridad na magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa kanya, mas pinili nitong manlaban na nagresulta sa maikling putukan, ang ending ay nasawi si Ganoy at 3 kasama nito… tsk, tsk, tsk, sayang sumuko na lang sana nang mapayapa.

Ayaw namang magpakakampante ni PNP chief, Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa kabila ng matagumpay na operasyon, bagkus ay inatasan nito ang kapulisan na paigtingin pa ang seguridad sa Bangsamoro Region, laban sa posibleng pagganti o retaliatory attack ng mga remnant ng DI. Korek ka, dyan Sir, dahil ugali ng mga ‘yan ang gumanti kapag nalalagasan.

Inatasan din ni Sir Tateng, ang kinaukulang mga yunit ng pulisya na i-assess ang natitirang kakayahan ng mga ekstremistang network at subaybayan ang mga posibleng banta sa Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, at mga karatig na lugar.

Syempre, ito’y upang maprotektahan ang mga komunidad lalo na ang mga inosenteng mamamayan. Tumpak!

“Every wanted individual taken off the streets is a step toward safer communities and a stronger rule of law. We will sustain intelligence-driven operations and strengthen coordination with our security partners to prevent extremist groups from threatening the peace and security of our people,” wika ni PGen. Nartatez.

Nakakuha rin ang mga awtoridad sa pinangyarihan ng insidente ng isang assault rifle, tatlong kalibre .45 at isang improvised explosive device na posibleng may kaugnayan sa mga naunang pag-atake at iba pang kasong kriminal ng grupo.

Samantala, Binigyang-diin ni Brigadier General Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 6th Infantry Division (6ID), ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines at iba pang law enforcement agencies upang mapalakas ang pagpapatupad ng batas at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga komunidad.

Aniya, nanatiling nakatuon ang 6ID sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa kanilang nasasakupan, habang tinitiyak na ang bawat operasyon ay isinasagawa alinsunod sa batas at may buong paggalang sa karapatang pantao.

79

Related posts

Leave a Comment