NAGKAROON ng tensyon sa mga estudyante ng Far Eastern University ( FEU) makaraang makatanggap ng “bomb threat” noong Miyerkoles ng hapon sa Art Building ng unibersidad sa Claro M. Recto Avenue, Sampaloc, Manila.
Ayon sa ulat ng District Explosive Canine Unit (DECU) ng Manila Police District, bandang alas-3:05 ng hapon nang makipag-ugnayan sa kanilang opisina ang mga tauhan ng University Belt Area (UBA) Police Community Precinct hinggil sa tawag na may “bomba” sa loob ng Art Building ng unibersidad.
Dahil dito, pinangunahan ni Police Executive Master Sergeant Edward Raguindin ng MPD-DECU, ang pagresponde sa lugar at nakipag- ugnayan kay Security Manager Marcelino Pedroso Jr. at sa nakatalagang mga sekyu ng FEU.
Ayon kay Pedroso, isa umano sa nag-post sa Group Chat ng “One Piyu Community” sa FB ang nagpaabot ng mensahe na may “bomba” sa naturang gusali.
Unang nakatanggap ng report hinggil sa insidente si Police Staff Sergeant Dave Pamintuan ng MPD-District Tactical Operation Center.
Nang magsiyasat ang mga tauhan ng DECU sa unibersidad ay negatibo ang naging resulta.
Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng MPD – Barbosa Police Station 14 upang mabatid ang responsable sa insidente at para mapanagot ito.
(RENE CRISOSTOMO)
533