INUTOS kahapon ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro ang pagbuo ng isang task force sa siyang mangangasiwa sa sitwasyon sa Region 6 at 7 bunsod ng pinangangambahang pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Kasabay ito sa isinasagawang force evacuation para sa 54,000 katao na naninirahan sa loob ng 4 to 6-kilometer danger zone sa paligid ng Mt. Kanlaon.
Inihayag din ng kalihim na maging ang Armed Forces of the Philippines ay pinakilos na rin sa ilalim ng Task Force Kanlaon, habang pinapunta na rin si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa area.
Nabatid na pahirapan ang isinasagawang paglilikas sa mga residenteng nasa malalayong lugar dahil sa kapal ng ashfall sa area na peligro para sa choppers ng Philippine Air Force kaya posible umanong gumamit ng mga barko ang NDRRMC at Office of Civil Defense sa paglilikas.
Nabatid na nakikipag-ugnayan si Sec. Teodoro sa local government officials para sila ang mamahala sa paglilikas at tiyaking walang magsisibalik sa loob ng 6 kilometer danger zone. Babala ng kalihim sa mga magmamatigas ang ulo na baka magkaroon ng worst case scenario ay hindi na sila mahahanap pa kung magbabalikan pa.
Ayon kay Teodoro, nagpatupad kaagad ng emergency evacuation upang maiwasan ang casualties.
Base sa datos, pinakamatindi ang sitwasyon sa bahagi ng La Castellana kung saan halos 47,000 indibidwal na nakatira sa loob ng 4-6 km danger zone, ang apektado.
Ilan sa pinakaapektadong lugar ang mga bayan ng La Castellana, Negros Occidental, at Canlaon City sa Negros Oriental. Pinangangambahan din ng pamahalaan ang posibilidad na pagbuhos ng ulan dahil magiging sagabal ito sa isinasagawang paglilikas.
Una nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakahanda ang pamahalaan na tugunan ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Sa katunayan ay kinumpirma nito ang pahayag ni Sec. Teodoro na bumiyahe na si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian patungong Negros Island para pangasiwaan ang relief efforts kasunod ng pagputok ng bulkan.
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management (DBM) na sapat ang pondo para makapagbigay ng karagdagang suporta sa pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center.
“We are ready to support the families who have been evacuated outside the six-kilometer danger zone,” ayon kay Pangulong Marcos.
Kinakailangan naman ng agarang suporta para sa paglikas ng mga residente sa Barangay Cabagnaan, pati na rin sa mga bayan ng Himamaylan, Hinigaran, Isabela, Pontevedra, at Moises Padilla.
Bilang paghahanda naman sa worst-case scenario, ang Panaad Stadium sa Bacolod City ay itinalaga bilang primary evacuation area. (JESSE KABEL RUIZ)
90