NAALARMA ang Department of Health (DOH) sa potensyal na mga banta sa kalusugan ng publiko kasunod ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Negros Occidental.
Tinukoy ng DOH, kabilang dito ang respiratory illnesses dahil maaaring magdulot ng iritasyon sa respiratory tract ang abo mula sa bulkan lalo na sa mga indibidwal na may pre-existing conditions tulad ng asthma, chronic obstructive pulmonary disease o kahalintulad na mga sakit.
Maaari ring makaranas ng iritasyon sa mata dahil maaaring magdulot ang ash particles ng pamumula, pangangati at pananakit ng mata.
Pinag-iingat din ng ahensya ang mga residente dahil maaaring makaranas ng iritasyon sa balat na posibleng humantong sa mga pantal sa balat kapag matagal na nalantad sa abo.
Maaari ring magdulot ng kontaminasyon sa tubig dahil napapataas ng ashfall ang banta sa waterborne diseases.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng DOH ang Centers for Health Development (CHDs) o regional offices nito na tiyaking may sapat na suplay ng N95 masks, eye protection o goggles, water purification tablets o filters, medicines, hand sanitizers at antiseptic wipes.
Gayundin ang pagpapaigting pa ng surveillance, paghahanda para sa posibleng disruptions at pataasin ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang mga ahensya.
Magpapatupad din ang Centers for Health Development ng cluster approach para sa paghahatid ng emergency services para sa medical at public health, water, sanitation, and hygiene (WaSH); nutrition, and mental health and psychosocial support (MHPSS).
Pinaalalahanan naman ng DOH ang mga ospital at health facilities malapit sa bulkang Kanlaon, na iprayoridad ang pag-admit sa mga buntis na nasa kanilang ikatlong trimester partikular na ang nasa panganib ng komplikasyon. (JULIET PACOT)
83