Sa P776M pumasok sa CALE88 MONEY LAUNDERING PROBE NAMUMURO

LUMUTANG sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang posibilidad na maging subject ng money laundering investigation ang Cale88 Foods Corp., kumpanyang iniuugnay sa asawa niyang si Atty. Manases “Mans” Carpio, dahil sa P776 milyon na inflow na hindi umano maipaliwanag sa financial records nito.

Sa pagtatanong ni Senate President at Senator-Judge Sherwin Gatchalian kay Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat Executive Director Atty. Ronel Buenaventura, sinabi ng opisyal na maaaring maging “candidate” para sa money laundering investigation ang Cale88 kung hindi maipaliwanag sa mga libro nito ang naturang halaga.

Gayunman, nilinaw ni Buenaventura na kailangan munang matukoy kung nagmula sa isang ilegal na aktibidad ang pera bago makabuo ng konklusyon tungkol sa money laundering.
“Kung candidate lang po, yes. But we have to consider all other factors,” sagot ni Buenaventura.

“We’ll have to check po kung may predicate,” dagdag niya.

Ang predicate crime ay tumutukoy sa naunang krimen na pinagmulan ng perang pinaghihinalaang nilalabhan.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang malaking halaga ng perang dumaan umano sa kumpanya na hindi nakikita sa mga financial records nito.

“Dapat ma-reflect ‘yan sa books, di ba? Eh hindi ma-reflect sa books. Isang candidate for money laundering?” tanong ni Gatchalian.

Ayon kay Buenaventura, maaari itong maging panimulang punto ng pagsisiyasat, ngunit kailangan pa ring suriin ang iba pang mga salik.

Nang tanungin tungkol sa susunod na hakbang, sinabi ni Buenaventura na kailangang alamin kung anong ilegal na aktibidad ang posibleng pinanggalingan ng pera, kabilang ang mga halimbawa niyang kidnapping for ransom at drug trafficking.

“Siyempre, hindi naman po namin ipipilit kung wala naman po talaga. So kung meron po, gagawin po namin ‘yung trabaho po namin,” ani Buenaventura.

Samantala, binanggit din ni Gatchalian na malaking bahagi ng sales ng kumpanya ay mula sa China at tinanong kung susuriin din ang pagiging lehitimo ng mga entidad na pinagmulan ng mga transaksyon.

Tumanggi si Buenaventura na magbigay ng sagot na partikular sa Cale88, ngunit sinabi niyang karaniwang kabilang sa sinusuri sa isang imbestigasyon ang mga detalye ng mga kumpanyang sangkot sa transaksyon.

Una nang kinumpirma ni Buenaventura na nakatanggap ang Cale88 ng kabuuang P319.33 milyon na inward remittances mula mainland China at Hong Kong, batay sa mga ulat ng transaksyong isinumite sa AMLC. Humigit-kumulang P315.93 milyon dito ang mula mainland China at P3.39 milyon mula Hong Kong.

“Very Alarming”

Inilarawan ng House prosecution na “very alarming” ang P319.33 milyong pondong natanggap ng Cale88 Foods Corp. mula mainland China at Hong Kong.

Ang Cale88, na iniuugnay kay Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ay nakatanggap ng naturang inward remittances batay sa mga rekord na iniharap ng AMLC sa impeachment trial.

Sinabi ni Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V na nakababahala ang pagkakaroon ng mga kumpanyang sangkot sa remittances na may kaugnayan umano sa Chinese state-owned enterprises, batay sa impormasyong inilatag ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa pagdinig.

“Bakit po may influx ng pera galing po sa, in this case, galing po sa China, na galing po sa mga state-owned na iba’t ibang kompanya at korporasyon? Hindi ka ba magtataka, at hindi ka mababahala?” ani Ortega sa press briefing ng prosekusyon.

Ayon kay Hontiveros, lumabas sa pananaliksik ng kanyang tanggapan na may kaugnayan sa ilang Chinese state-owned enterprises at sa mga istruktura ng Communist Party ang ilan sa mga kompanyang nakipagtransaksiyon sa Cale88.

Kabilang dito, aniya, ang Xinjiang Food Industry Group, na inilarawan niyang isang Chinese state-owned enterprise.

Iginiit ni House impeachment team adviser at spokesperson Ace Barbers na dapat imbestigahan nang mas malalim ang mga transaksyon upang matukoy kung may nalabag na batas.

“So dapat laliman ang ating investigation dito sa usaping ito dahil ito ay nakakabahala. This is very alarming, and there seems to be violations that have been committed by the vice president in this case,” ani Barbers.

Sinabi ni Barbers na maaari itong magbukas ng isyung konstitusyonal dahil may mga probisyon sa Saligang Batas hinggil sa pagtanggap ng mga opisyal ng gobyerno ng pondo mula sa mga dayuhang pamahalaan.

Maaari rin umanong pumasok ang Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees kung mapatutunayan ng ebidensya na bahagi ng ilegal na transaksyon ang mga pondo.

Gayunman, nilinaw ni Barbers na hindi idinedeklara ng prosekusyon na ilegal agad ang pagtanggap ng pondong galing China.

“To say that merong illegal kaagad diyan is wrong, and we will not do that. Kaya nga ang aming panawagan ay magkaroon ng malalimang imbestigasyon nang sa ganoon makita kung ano ba ito,” paliwanag ni Barbers.

Samantala, sinabi ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na seryoso ang naturang impormasyon, ngunit pag-aaralan pa ng mga tagausig kung maisasama ito sa natitira nilang oras sa paglalahad ng ebidensya.

“Well, mabigat po ang allegation na ito, but we will discuss with the team kung mahahabol pa po ba namin ito within the limited time and the limited days that we have, doon po sa presentation of our evidence,” ani Ridon.

Suspicious Transactions Kailangan Iulat

Obligado ang mga bangko at iba pang covered institutions na iulat ang mga transaksyong may kahina-hinalang kalagayan, anuman ang halaga nito, ayon kay Anti-Money Laundering Council Secretariat Executive Director Atty. Ronel Buenaventura.

Nilinaw ito ni Buenaventura sa cross-examination sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ilarawan ni defense counsel Atty. Mark Vinluan ang mga financial institution na “encouraged” lamang na mag-ulat ng suspicious transactions kahit wala pang pinal na findings.

Tinutulan ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia ang paggamit ng salitang “encouraged.”

“Covered institutions are required to report suspicious transactions. They are not just encouraged to report suspicious transactions,” ani Divinagracia.

Kinumpirma ni Buenaventura na “required” ang terminong ginagamit sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) at sa implementing rules nito.

“The law used the word ‘required,’ Your Honor. So they’re required to report suspicious transactions, Your Honor,” sabi niya.

Ayon kay Buenaventura, ginagamit ng bangko o reporting institution ang impormasyon nito tungkol sa customer at sa transaksyon upang matukoy kung mayroong suspicious circumstance.

(Ulat nina DANG SAMSON-GARCIA at TINA MENDOZA)

68

Related posts

Leave a Comment