KAMPO AGUINALDO, Lungsod Quezon — Matindi ang birada ni defense secretary Gilberto ‘Gibo’ Teodoro Jr. sa pagtutol ng Tsina sa pag-deploy ng iba’t ibang military asset ng Estados Unidos sa Pilipinas para ibasura ang sinasabing mga agam-agam ng Beijing ukol sa tensyong magreresulta rito sa South China Sea (SCS), partikular sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS).
Una rito, tinutulan ng Tsina ang deployment sa bansa ng US-made na Mid-Range Capability (MRC) missile system, o ang bantog na Typhon launcher. Ayon sa Beijing, ang pag-apruba nito ay magbubunsod ng “geopolitical confrontation and an arms race.”
“Wala silang pakialam doon. Bakit sila nagde-deploy din sa ibang mga lugar. Eh ano sa akin kung magalit sila?” mariing pinunto ni Teodoro.
“Ang importante huwag magalit ang taong bayan . . . sa atin,” dagdag ng kalihim.
Nitong Enero, hiniling ng Tsina na alisin ang Typhon missile launcher mula sa territory ng Pilipinas.
Subalit sa halip na pagbigyan ito, nasundan ang deployment ng makabagong defense system naglagay naman sa Kauna-unahang pagkakataon ng Navy-Marine Expeditionary Ship Interdiction System (NMESIS), na kinumpirma ng Philippine Marine Corps’ 3rd Marine Littoral Regiment.
Inisyal na pinosisyon ang NMESIS sa hilagang Luzon at Batanes Islands bilang bahagi ng ika-40 pagsasagawa ng taunang Balikatan military exercises sa pagitan ng puwersa ng US at hukbong pangdepensa ng Pilipinas.
Binatikos agad ng Beijing ang pagdating ng high-precision, anti-ship NMESIS launcher at ibang mga “strategic and tactical weapons” para sabihing magkakaroon ng “destabilisasyon sa rehiyon” dahil dito.
May kakayahan ang NMESIS weapons system na patamaan ang mga target na mahigit 185 kilometro ang layo na may sea-skimming precision at radar-evading stealth. Dinisenyo iyo para sa coastal defense at mga sea denial operation. Nagbabala ang Tsina na “those who play with fire” kaugnay ng usapin ng Taiwan, bilang isang ‘red line’.
(TRACY CABRERA)
