MAAARING magbenta ng iba pang ari-arian ang pamahalaan maliban sa real estate assets sa Japan kung kakailanganin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang maraming pondo para sa mga pangunahing programa nito.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, walang dapat ikabahala ang publiko dahil tinitiyak naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may sapat na pondo ang state health insurer para sa implementasyon ng universal health care program.
“Dahil nga po sa Universal Healthcare Law, kung kulang po iyan ay tutustusan po galing sa kaban ng taumbayan. Kaya nga po, kung kinakailangan, ibebenta iyong mga properties na iyan. At hindi lang naman po Roppongi, marami pa tayong ibang properties na pupuwedeng ibenta,” ayon kay Sec. Roque.
“So in other words, sinasabi lang ni Presidente, ‘Sagot ko ang inyong kalusugan,’ dahil iyan ang batas na sinertify [certified] niyang urgent noong iyan po ay tinatalakay sa Kongreso, paninindigan po niya iyong obligasyon ng estado na pangalagaan ang kalusugan ng mga Pilipino. If it means having to sell assets, why not,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Inamin ni Sec. Roque na walang paraan para masabi kung hanggang kailan tatagal ang pondo ng PhilHealth dahil sa malawakang korapsyon sa tanggapan lalo pa’t wala namang nagsasabi ng totoo sa PhilHealth.
Nitong Lunes, sa public address ni Pangulong Duterte ay inamin nito na kaya nagbebenta na ng mga ari-arian ang PhilHealth, tulad ng property sa Japan, dahil kailangang makalikom ng pondo ang ahensiya.
Isa umano ito sa mga dahilan kaya kailangan na itong buwagin at palitan ng bago. (CHRISTIAN DALE)
105