HANDA na makipag-bayanihan ang AKOOFW Inc. sa mamamayan at pamahalaan sa panahon ng pandemya.
Ito ang ipinakita nitong Linggo ng nasabing grupo nang maghatid ng makakain sa halos dalawang libong residente ng Brgy. 180 at Brgy. 181 sa Maricaban, Pasay City.
Ayon kay OWWA Board Trustee Doc Chie Umandap, chairman ng AKOOFW, Inc., at kolumnista ng SAKSI Ngayon, umabot sa 2,000 tinapay, lomi at 3 malalaking kalderong lugaw ang naipamahagi sa pag-ikot nila house-to-house sa mga residente ng dalawang naturang barangay.
Sinabi ni Dok Chie na ka-partner ng AKOOFW, INC. sa feeding mission ang isang house deputy speaker at isang dating konsehal ng Pasay City para makatulong sa pantawid gutom ng mga Pasayeño sa panahon ng dalawang linggong ECQ.
“Bilang pagsuporta sa ating gobyerno lalo na kay Pang. Duterte ay nagsagawa ng free food distribution mission ang AKOOFW. Isa sa misyon ng grupo ay maging bahagi ng anomang sitwasyon at pagkakataon kaya tayo ay naririto sa Pasay lalo ngayon sa panahong ito na maraming walang trabaho, lalo na ang mga daily wage worker na nangangailangan na magkalaman ang kanilang sikmura,” sabi ni Dok Chie. (DAVE MEDINA)
