PALIWANAG NG MAG-ASAWANG QUIMBO

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng mga maruming taktika at paninira na karaniwang lumilitaw tuwing panahon ng kampanya, muling pinatunayan nina Rep. Stella Quimbo at Cong. Miro Quimbo ang kanilang matatag na prinsipyo at tunay na malasakit sa Marikina.

Matapang nilang hinarap ang Show Cause Order mula sa COMELEC Task Force na nag-ugat sa isang reklamong umano’y pamimili ng boto — isang paratang na malinaw na walang batayan, at ayon na rin sa kanila, ay isang desperadong hakbang mula sa mga kalaban sa pulitika.

Sa kanilang pahayag, idiniin ng mag-asawa na ang boto raw ng bawat Marikenyo ay sagrado, at kailanman ay hindi nila lalapastanganin ang tiwala ng kanilang mga kababayan.

Dapat linawin: Ang Show Cause Order ay hindi isang pormal na kaso kundi bahagi lamang ng proseso upang humingi ng paliwanag. Sa kabila ng kawalan ng opisyal na kopya ng reklamo, buong tapang at bukas ang loob na humaharap ang mag-asawang Quimbo upang ipagtanggol ang kanilang pangalan — isang patunay ng kanilang malinis na konsensiya at tunay na paggalang sa batas.

Ang mas nararapat na itanong: Bakit kailangang gumamit ng mga anonymous na reklamo at mapanirang intriga ang mga kalaban? Sa halip na maglatag ng mga plataporma at konkretong solusyon para sa mga mamamayan ng Marikina, pinipili raw ng ilan ang landas ng kasinungalingan at paninira. Ang mga ganitong taktika ay senyales lang daw ng kanilang takot — takot sa lakas ng suporta ng mga tao sa mga lider na may tunay na nagawa at patuloy na naglilingkod.

Hindi madaling bilugin ang ulo ng Marikenyo. Kilala nila kung sino ang may resibo, sino ang may malasakit, at sino ang may totoong solusyon sa mga suliranin ng lungsod.

At sa puntong ito, hindi maikakaila ang mabuting pamumuno at serbisyo nina Cong. Stella at Cong. Miro Quimbo sa Marikina.

Kaya sa harap ng paninira, ang mag-asawang Quimbo ay nananatiling nakatuon sa sinasabing kampanyang malinis, tapat, at makabuluhan — isang kampanya para sa tunay na kapakanan ng mamamayan.

Dahil dito, sa darating na halalan, nawa’y pairalin nga raw ng mga botante ang katotohanan, katuwiran, at karangalan.

Ang Marikina ay karapat-dapat sa mga pinunong may paninindigan. At sa mag-asawang Quimbo, nakikita raw ang pamumunong tapat, matino, at tunay.

80

Related posts

Leave a Comment