IBASURA MGA KANDIDATONG PRO-CHINA

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI na biro ang pambabarako ng China kahit sa teritoryong sakop na ng Pilipinas.

Nakaaalarma ito kaya agresibong aksyon na rin ang kailangan para maigiit ng pamahalaan ang awtoridad nito sa nasabing mga teritoryo.

Ayon kay Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial candidate at Senate Majority Leader Francis Tolentino, ang China ay matagal nang may mga galamay na Pilipino para pumabor dito ang ilang importanteng isyu, partikular ang usapin sa West Philippine Sea (WPS).

Pinalalaganap ng mga ito ang mga maling naratibo na pumapabor sa China.

Sa katunayan, sa isang pagdinig ng Senate Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones, ibinunyag ni Tolentino ang isang service agreement sa pagitan ng Chinese Embassy at Pilipinong kompanya na InfinitUs Marketing Solutions Inc. na may petsang August 23, 2023 para sa isang malawakang operasyon ng tinaguriang keyboard warriors.

Trabaho ng troll farms ng InfinitUS na mag-react, mag-comment, at mag-share sa kaugnay na social media posts at magpakalat ng mga impormasyon pabor sa China habang ginigiba naman ang mga lider at personalidad na itinuturing na anti-China at makabayan at maging ang mga institusyon ng Pilipinas.

Lumitaw rin ang tseke na tinanggap ng InfinitUS noong September 11, 2023 na nagkakahalaga ng P930,000.

Naniniwala ang isa pang pambatong kandidato ng Alyansa na si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, na plano ng China na gumawa ng isang Senado na pro-China para manipulahin ang foreign policies ng bansa na papabor sa Beijing.

Parang ang model ng China ay si Alice Guo. Kung nagawa nitong maging mayor si Guo sa Bamban, Tarlac, gusto rin nito na makapagpasok ng mga kandidato nito sa Senado.

Kung nagkagulo sa isang maliit na bayan ng Bamban dahil kay Guo, hindi malayong magkaroon ng malawakan at matinding kaguluhan kung makapapasok sa gobyerno (partikular sa Senado) ang mga ahente ng China.

Siguradong babalik ang POGO, asahan na rin ang pagkabuhay ng kidnapping at pagpatay, titindi ang human trafficking, babaha ng shabu, at iba pang karumal-dumal na gawaing nauugnay dito.

Isa pang nakatatakot na mangyari ay maaaring sakupin din ng China ang iba pa nating isla at karagatan.

Dati nang usapan sa social media na ang galunggong na hinuhuli ng Chinese fishermen sa mismong dagat natin, niyeyelohan sa China, tapos ay ibinabalik sa Pilipinas para ibenta sa atin.

Ang nakapagtataka lang, sa gitna ng banta ng China sa ating pambansang seguridad at integridad ay nananatiling tahimik ang ilang kandidato hinggil dito.

Napakaraming pagpipilian ngayong eleksyon kaya sana ay pag-isipang mabuti ng mga botante ang kanilang mga bibilugan sa balota.

Ibasura ang mga kandidatong maka-China dahil hindi tayo ang poprotektahan ng mga ito kundi ang dayuhang puwersa.

Nabuhayan naman tayo ng loob at nagkakumpiyansa sa mga botante dahil base sa bagong survey ng Social Weather Stations, 75% ng respondents ang nagsasabi na kanilang iboboto ang isang kandidato na naninindigan laban sa pagiging agresibo ng China sa WPS.

81

Related posts

Leave a Comment