PANGASINENSE MASIDHI SUPORTA KAY ATTY. RODRIGUEZ, DuterTEN SLATE

KASING init ng panahon ang pagsalubong ng mga Pangasinense kay senatorial candidate Atty. Vic Rodriguez na nag-ikot sa pitong bayan ng lalawigan kasama ang tinaguriang DuterTEN slate.

Katunayan, makikita sa mga kalsada ang linya ng mga nag-abang sa pagdaan ng motorcade noong Linggo, Abril 27.

Sa pagdaan ng truck na sinasakyan ni Rodriguez, numero 56 sa balota at pambato ng grupong Hakbang ng Maisug, maririnig ang hiyawan ng mga tao at pagtaas ng kamao na tatak ng mga Duterte.

Nagsimula ang pagtitipon ng grupo, alas-7 ng umaga sa ULOPAN Center sa Mangaldan, Pangasinan. Pagsapit ng alas-2 ng hapon ay sinimulan ang motorcade sa mga bayan ng San Jacinto,

Manaoag, Pozorrubio, Binalonan, Urdaneta City, Mapandan at Mangaldan.

Ang mga hiyawan at pag-cheer ng mga nakaabang ay tinugon ni Atty. Rodriguez ng pasasalamat. Namahagi rin siya ng mga campaign paraphernalia.

Mapapansin din ang mga motorista na inilalabas ang kanilang mga kamay sa kanilang sasakyan para sumenyas na tanda ng pagsuporta sa kandidatura ng dating executive secretary ng Marcos admin.

Ang motorcade ay sinundan ng grand rally sa bayan ng Mangaldan.

Sa kanyang pananalita, inulit ni Rodriguez ang kanyang masidhing hangarin na labanan ang korupsyon sa pamahalaan na itinuturing niyang karumal-dumal na paglustay sa pera ng bayan.

Matatandaang isa si Rodriguez sa mga kumuwestyon sa legalidad ng 2025 national budget na kanyang idinulog sa Supreme Court.

Hindi rin nakaligtas sa kanyang matalas na pagsusuri ang bilyong pisong pondo ng flood control projects. Sa kabila ng pagbaha ng pondo sa nasabing proyekto ay laganap pa rin ang pagbaha lalo na kapag umulan.

Kabilang sa mga pinuna niya ang paglalaan ng zero subsidy ng administrasyong Marcos Jr. sa PhilHealth na pangunahing apektado ay ordinaryong Pilipino.

Sakaling palarin sa Senado, hindi lang korupsyon ang nais tutukan ni Rodriguez kundi maging ang pantay na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) at mga lalawigan.

Ang DuterTEN Senatorial candidates ay kinabibilangan nina Atty. Vic Rodriguez, Atty. Jayver Hinlo, Atty. Jimmy Bondoc, Atty. Raul Lambino, Rodante Marcoleta, Philip Salvador, Sen. Bong Go, Sen. Bato dela Rosa, Dr. Richard Mata, at Pastor Apollo Quiboloy.

(JOEL O. AMONGO)

52

Related posts

Leave a Comment