“ITO ang tunay na mukha ng Bagong Pilipinas—isang Pilipinas kung saan dumarami ang nagugutom habang nagpapakasasa ang iilan.”
Reaksyon ito ni House Deputy Minority Leader France Castro sa resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na umaabot na sa 15.5 milyong pamilyang Pilipino ang mahirap o naghihirap.
Lalong nababahala ang mambabatas dahil imbes nababawasan ay lalong nadadagdagan ang bilang nga pamilyang Pilipino na mahirap dahil mula sa 50 porsyento na nagsabing mahirap sila noong Enero 2025 ay naging 51 porsyento noong Pebrero, 52 porsyento noong Marso at 55 porsyento nitong Abril.
Kamakailan lamang ay inilabas din ng SWS ang kanilang survey hinggil sa nagugutom na mga Pilipino na umaabot sa 27.2 porsyento o katumbas ng 7.5 milyong pamilya.
Isinisi ni Castro ang mga bagay na ito sa kabiguan ng gobyerno na resolbahin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo publiko habang pinagkakaitan nila ng dagdag na sahod ang mga manggagawa.
Hanggang ngayon aniya ay nananatiling hindi abot kaya ng mga tao lalo na ang mga mahihirap ang presyo ng bigas at iba pang pagkain dahil sa kawalan ng suporta ng mga ito sa sektor ng agrikultura.
Inaasa aniya ng Marcos administration ang pagkain ng mga Pilipino sa ibang bansa imbes na paunlarin at suportahan ang mga magsasaka kaya pataas ng pataas ang presyo ng mga ito.
“The alarming hunger and poverty rate is a damning indictment of the Marcos Jr., administration economic policies,” tinukoy ni Castro.
Anumang araw ay sisimulan na umano ng gobyerno ang pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo sa Visayas subalit sinabi ng grupo ng mambabatas na hindi ito magtatagal dahil P3.5-4.5 billion lamang ang inilaan ng gobyerno sa rice subsidy.
(PRIMITIVO MAKILING)
