SINO ANG UNANG MAGHAHATOL?

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

MAYO UNO. Isang araw sa bawat taon na sinasaluduhan ang mga obrero sa kanilang mahalagang kontribusyon sa lipunan. Pero hungkag ang selebrasyon. Taon-taon din ay sumisigaw ang mga manggagawa na ipagkaloob sa kanila ang wastong sahod, iba pang kaukulang benepisyo, karapatan, at ang nararapat na ayuda sa panahon ng kagipitan.

Ngunit nanatiling bingi ang gobyerno. Mas pinapaboran ng pamahalaan ang gasgas na katwiran ng mga kapitalista na maaapektuhan ang ekonomiya ng bansa sa dagdag sahod na iginigiit ng mga manggagawa.

Bakit sa salpukan ng interes ay walang magawa ang hanay ng mga obrero gayung sila ang isa sa pinakamalaking sektor sa lipunang Pinoy? Batay sa estatistika, tinatayang 47 milyon ang mga kabilang sa kanilang sektor.

Isang pangunahing dahilan ang kawalan ng pagkakaisa sa kanilang hanay dulot ng pagkakaiba ng idelohiya sa pulitika at pagbabangayan na rin ng mga lider ng iba’t ibang grupo ng manggagawa.

Sinasamantala naman ito ng mga oportunistang politikong kandidato na ipinakikilala ang kanilang sarili bilang maka-manggagawa kasabay ng gasgas na pangakong isusulong niya ang interes ng sektor at iba pang ka-ek-ekan, suportahan lang ng hanay ang kanyang kandidatura.

Itataas pa ang kanyang kamay ng mga binayarang lider obrero para dagdag pang-akit. Pero pagkatapos ng halalan at nanalo si kandidato, walang pagbabago sa buhay ang mga obrero. Minsan na naman silang nadenggoy.

Sa darating na eleksyon sa Mayo 12, muling magkakaroon ng pagkakataon ang hanay ng mga manggagawa na ipakita ang kanilang lakas sa pamamagitan ng kolektibong pagpapasya upang makakuha ng upuan sa Senado ang ilang kandidato na nagmula sa kanilang hanay.

May sapat silang bilang upang tiyakin ang tagumpay. Ngunit ang una nilang haharaping hamon na kailangang resolbahin – mapanday ang kanilang matapat na pagkakaisa para sa layuning magkaroon sila ng kinatawan sa mataas na kapulungan.

Maraming eleksyon na ang nagdaan ngunit bigo ang mga obrero sa hangaring ito. Sana, sana, magtagumpay sila sa darating na eleksyon.

##########

Memorable sa pamilya ang Mayo Uno. Birthday ito ng aming Mommy, ang pinakamagandang babae sa buong mundo. Peksman! Makikita ninyo ang kanyang litrato sa aking Facebook. Namayapa na siya noong 2005. Nakahimlay na siya sa tabi ng puntod ng Daddy sa memorial park sa boundary ng Tagaytay City at Mendez.

Lumipat na aming ang pamilya sa Tagaytay City noong panahon ng kaguluhan matapos na paslangin si Ninoy Aquino noong 1983. Ako na lang ang naiwan sa Lucena City kasama ang esposa.

Nitong nakaraang Abril 29 ay nagdiwang din ng birthday ang nag-iisang pari sa pamilya – si Fr. Francisco Asia Mallari S.J. Bunsong kapatid siya ng erpat ko. Sarado Katoliko ang pamilya ng Mommy at Daddy. Muntik na rin nga akong magpari. Peksman! Napikot, este, nagayuma lang ako ng ganda ng aking esposa.

Si Fr. Mallari o “Tiyo Paking” sa aming pamilya ay katulad ni Pope Francis. Pareho silang paring Hesuwita. Si Tiyo Paking, sa kanyang edad na 97, ang pinakamatandang Jesuit priest na nabubuhay sa Pilipinas ngayon. Nasa pangangalaga siya ng Jesuit Health and Wellness Center sa Ateneo de Manila sa Quezon City.

Ang Mommy ko at si Tiyo Paking ay magkasabay na nagtapos sa Tayabas High School sa Lucena City, Class 1949. Nagkagulatan na lang sila nang maging in-laws sila. Malintik din kasi ang bokadora ng Daddy ko. Mabuti na lang at hindi ko namana. Yahoo!

##########

Binuo ko ang mga talata sa ibaba noong bago pa lang nagsisimula ang malagim na “drug war” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Hindi pa palasak noon ang tinatawag na “extra judicial killing” o EJK. Basta noon, kapag pinatay ka ng awtoridad ng gobyerno, “salvage” ang tawag.

Marami noon ang pumapalakpak sa pagsisimula ng administrasyon ni Digong. Tuwang-tuwa sila dahil pinapatay ng mga tauhan ng estado ang drug pushers at mga kriminal sa paligid na pulos pipitsugin naman. Wala silang pakialam sa malawak na patayan. Basta’t ang paniwala nila ay maganda ang ginagawa ni G. Duterte.

Hanggang…may maganap sa kanilang sariling pamilya o sa mga kilala nila. Halaw ito sa tunay na pangyayari.

DEDMA

(Alay sa mga manhid)

(08-19-17)

I

Umalingawngaw ang putok.

Napangisi ka pa.

Diretso lang ang hapunan.

Kasama ni kumander.

At dalawang anak.

“Mga ayaw kasing magtino.”.

“Mabuti nga sa inyo!”

Singhal mo pa.

II

Bratatat!, bratatat!

Dedma ka muli.

Tuloy lang ang yosi.

At panonood ng TV.

Palakpak ka pa kay Digong.

“Patayin n’yo! Sagot ko kayo!”

“Kill them all!”

Kiliting-kiliti ka pa sa idol mo.

III

May raid sa kanto.

Humaginit ang tingga.

Kasunod ang palahaw.

Nagtakip ka lang ng taynga.

“Nanlaban! Pinutukan kami”.

“Gumanti lang ang tropa”.

Sumaludo ka pa sa pulis.

Dahil binawasan ang adik.

IV

Bang! bang! bang!

Malapit lang.

Nabingi ka halos sa putok.

Ngingisi ka sanang muli.

Pero ngayon ‘di mo magawa.

Bigla kasing umikot ang mundo.

“Bakit n’yo pinatay ang anak ko!”

“Hindi siya adik. ‘Tang na n’yo!”

PS. Digong: “Maganda ‘yun!”

Binanggit ito ni Digong sa isang talumpati matapos na mapatay ng mga pulis ang 32 pinaghihinalaang drug addicts at pushers sa “One Time Big Time Operation” sa lalawigan ng Bulacan noong Agosto 15, 2017

##########

Ngayon ay solong naghihimas ng rehas na bakal ang dating pangulo sa piitan niya sa The Netherlands matapos siyang kasuhan ng International Criminal Court sa malawakang EJK noong mayor siya ng Davao City hanggang maging pangulo siya ng bansa.

Nahaharap siya ngayon sa paghuhukom, ayon sa batas ng ICC. At dahil matanda na, may sakit pa, anomang araw ay nakatakda na rin siyang humarap sa hukuman ng langit. Sino sa kanila ang unang maghahatol? Ito ang inaabangan ng mga Pilipino.

59

Related posts

Leave a Comment