(NI BERNARD TAGUINOD)
PINAAAMYENDAHAN ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Republic Act (RA) 8291 o Government Service Insurance System (GSIS) upang maisama na ang mga contractual employees at magkaroon ang mga itong aasahang insurance.
Sa ilalim ng House Bill (RA) 1398 na iniakda ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, bukod sa obligadong maging miyembro ang mga contractual employees sa GSIS ay dapat din umanong ibigay ang mga benipisyo na natatanggap ng mga regular workers ng estado.
Ayon kay Vargs, panahon na para bigyan ng atensyon ang mga contractual employees ng gobyerno dahil sila ang mas maraming trabaho subalit walang insurance dahil sakop ang mga ito ng GSIS.
Sa katunayan, masama ang loob ng mga contractual employees nang maiterview niya ang ilan sa mga ito bago ihinain ang nasabing panukala dahil second class citizen ang turing sa kanila ng estado.
“Masaya po kami na meron kaming trabaho, ngunit sana naman po ay bigyan din kami ng atensyon ng pamahalaan. Alam naman po natin na mas marami talagang trabaho ang ibinibigay sa amin kasi mga baguhan daw kami. Katunayan mas mabuti pa po ang mga empleyado ng (mga malls), mayroon silang SSS at iba pang benepisyo. Kami po na nasa gobyerno wala po kaming ganun,” sinabi umano ng isang contractual employee kay Vargas.
Dahil dito, kailangan aniyang amyendahan ang GSIS law upang lahat ng mga empleyado ng gobyerno kasama na ang mga contractual ay masasakop na ng estate insurance upang may maaasahan ang ito sa kanilang pagtanda.
Nais din ng kongresista na kailangang maibigay na sa mga contractual employees ang mga benepisyo ng mga regular workers tulad ng 13th month pay, regular at holiday pays, leave credits, Philhealth, Pag-ibig at iba pa.
Sa ngayon ay mahigit 800,000 ang contractual employees sa gobyerno kung saan ang karamihan sa mga ito ay nagtatrabaho sa mga local government units (LGUs).
240