AYUDA SA MGA BIKTIMA NG MINDANAO QUAKE, TINIYAK NI SPEAKER DY

PINANGUNAHAN ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III noong Huwebes ang delegasyon ng Kamara de Representantes sa General Santos City at Lalawigan ng Sarangani upang suriin ang epekto ng nagdaang lindol, makipagpulong sa mga lokal na opisyal at pinuno ng mga ahensya sa rehiyon, at tukuyin ang mga agarang at pangmatagalang hakbang upang matulungan ang mga apektadong komunidad.

Sa pagbisita, inanunsyo ni Dy na sasagutin ng Kamara ang gastusing medikal ng lahat ng indibidwal na nasugatan dahil sa lindol, maging sila man ay ginagamot sa pampubliko o pribadong ospital. Tiniyak din ng Speaker sa mga apektadong pamilya na magpapakilos pa ng karagdagang tulong upang suportahan ang pagbangon ng mga komunidad mula sa kalamidad.

“Sa ngalan po ng House of Representatives, amin pong taos-pusong ipinaaabot ang amin pong pakikiramay. Nandito kami para matiyak na katulad ng sabi po namin, sa lahat ng ospital na kakailanganin na related po sa earthquake ay titiyakin natin na zero balance yung ating mga kababayan na nasa loob ng mga ospital,” ani ng Speaker.

“At dapat madagdagan pa ng mga pondo para meron tayong kasiguraduhan at matiyak na malalampasan natin itong paghamon na tumama dito po satin, sa mga kababayan natin dito sa rehiyon na ‘to.”

Binigyang-diin din ni Dy na nagsasagawa ang mga miyembro ng delegasyon ng Kamara ng aktuwal na inspeksiyon sa mga nasirang imprastraktura at pasilidad ng pamahalaan upang matukoy ang mga pangangailangan sa rehabilitasyon at matiyak na maisasama ang kinakailangang pondo sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.

“Importante rin ma-assess mabuti yung mga building katulad ng ating mga airport na nakita kanina at para sa gayon matiyak natin na wala tayong magiging problema,” sabi ni Dy.

“Kaya ganoon din ang ating support, pagtutulungan namin para sa gayon ma-rehab natin nang mabilis na panahon itong mga ospital, sapagkat ito yung unang-unang mga pangangailangan natin dito sa inyong lugar,” dagdag niya.

“May mga reports na dumating sa mga damages sa inyo pong area. At siyempre tamang-tama po yan, ang ating mga kinatawan ng inyong rehiyon ay pagtutulungan namin para matiyak na nandun siya sa loob ng ating proposed budget for next year para masiguro natin magawa yung mga dapat na magawa na mga kalsada, tulay, at ano pang mga facilities para pakinabangan ng ating mga kababayan.”

Ayon kay Dy, makatutulong ang mga natuklasan sa isinagawang inspeksiyon upang matukoy ng Kongreso ang mga prayoridad na pangangailangan sa pondo para sa rekonstruksyon at rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.

(TINA MENDOZA)

64

Related posts

Leave a Comment