Habang marami pa nakalubog sa baha MAGPAPABONGGA SA SONA MAKAPAL MUKHA

(BERNARD TAGUINOD)

SA gitna ng pinsalang iniwan ng Bagyong Crising at Habagat, nararapat lamang na makidalamhati ang gobyerno sa pamamagitan ng simpleng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Lunes, July 28.

Ito ang iginiit ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña kahapon sa dalawang Kapulungan ng Kongreso at maging sa Office of the President lalo na’t nasa gitna pa ng paghihirap ang mga biktima ng bagyo at habagat.

“This is not the time for pomp. This is the time for empathy, humility, and decisive action. Ang panawagan ko sa mga kapwa ko mambabatas na kusa na nating gawing payak ang pagdaos ng SONA,” ayon sa mambabatas.

Ayon sa solon, hindi magiging katanggap-tanggap sa publiko lalo na sa mga biktima ng kalamidad kung ididisplay ang karangyaan sa ikaapat na SONA ni Marcos na dadaluhan ng halos dalawang libo katao.

Dahil dito, nais ni Cendaña na hindi bongga ang preparasyon at maging ang pagkain ng mga bisita dahil nakakahiya aniya ito sa mga biktima ng bagyo sa halos buong bansa na ngayon ay nilalamig at nagugutom.

Huwag na rin aniyang ilatag ang red carpet na dadaanan ng mga bisita sa SONA.

“It is the height of insensitivity if we will roll out the red carpet for SONA when our constituents and their families don’t even have roofs over their heads,” ayon sa kongresista.

“Balikan natin ang layunin ng SONA ayon sa konstitusyon. Trabaho ng Pangulo na mag-report sa Kongreso at sambayanan. Trabaho natin na makinig at himayin ang kanyang report–hindi ito fashion gala,” dagdag pa nito.

Noong nakaraang taon, gumastos umano ang gobyerno ng P20 million sa SONA ni Marcos mula sa paghahanda hanggang sa pagkain ng mga bisita habang ngayong taon ay tikom ang bibig ng Kongreso kung magkano ang gagastusin.

“Malaki ang inaasahan ng mamamayan sa SONA ng Pangulo. Marami silang tanong na nangangailangan ng agarang sagot sa Pangulo. Isa na diyan kung nasaan ang agarang tulong sa mga nasalanta at kung bakit tila lumalala ang problema ng pagbaha sa kabila ng bilyun-bilyong piso na ginugugol natin taon-taon sa mga flood control projects,” ayon pa kay Cendaña.

34

Related posts

Leave a Comment