CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PUNO na ng bigas ang salop kaya dapat nang kalusin nang maisaing at hindi matapon.
Sayang. Pero ‘yung umaapaw na sa salop ng problema tungkol sa bigas ay hindi pa rin sinasaing at iniinin.
Tapos, eto muling isinusulong ng Department of Agriculture (DA) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang polisiya na mag-oobliga sa mga restaurant, canteens, at mga kainan na magbenta ng half rice.
Rice is life nga naman kaya dapat walang tira at hindi sinasayang dahil, ika nga, ito ay grasya at biyaya.
Teka, ito bang isinusulong na polisiya ay panakip sa parang pumutok na lobo na pangakong P20 kada kilo ng bigas?
Oobligahin na ang mga kainan na magbenta ng half rice dahil lumalabas sa datos ng PhilRice na 255,000 metric tons ng bigas ang nasasayang sa Pilipinas sa loob ng isang taon, o katumbas ng halos 19-20 kilong nasasayang kada sambahayan. Mapapakain na ng bultong ito, na halos P3.6 bilyong halaga, ang 2.79 milyong Pilipino kada taon.
Layunin din daw ng half rice na maprotektahan ang mga konsyumer na hindi kayang umubos ng isang cup ng kanin, kaya mababawasan ang tira. Mapoprotektahan din daw ang may mga diabetes na hindi kayang ubusin ang isang cup ng kanin.
Kung ganun, mababawasan na ang nasasayang na kanin ay kapaki-pakinabang pa ang half rice sa nagdidiyeta, sa may mga diabetes at ibang kondisyon, at makatitipid pa.
Buhay ng Pinoy nga naman. Pati pagkain ng kanin gusto pang pakialaman at kontrolin ng pamahalaan.
‘Di naman pwedeng simot ang bawat mumu ng kanin sa mga kainan. Hindi naman mapupuno ng isang cup o takal ng kanin ang bandehado.
Ang daming nasasayang na dapat pagtuunan, gaya ng mga nabubulok o inaamag na mga bigas sa mga kamalig.
Magpapagaan ba ng buhay ng mga Pilipino ang half rice? ‘Yung mga panukalang hindi pabigat sa mga Pinoy ang dapat atupagin. Sa mahal ng mga bilihin ngayon, pagsabihan man o hindi ang ordinaryong Pinoy ay obligado silang magtipid hindi lang sa pagkain.
o0o
Masaya at makulay ba ang diwa ng iyong Pasko? Teka muna. Basa.
Ipinagbawal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasagawa ng mall-wide sales sa Kapaskuhan sa Kalakhang Maynila, pero papayagan ang mga pwesto sa mall na mag-sale kaya lang walang malaking promosyon.
Ayon kay Gabriel Go, chief ng MMDA Special Operations Group Strike Force, ang pagbabawal sa mall-wide sale ay para mabawasan ang pagsikip ng daloy ng trapiko dahil sa Christmas rush.
Naku naman. Kahit ipagbawal ang mga sale na ‘yan, dadagsa pa rin ang mga mamimili, may promo man o wala.
Saka, kahit hindi ianunsyo o walang malaking promosyon ang mga outlet na tindahan ay dadayo pa rin ang mga Christmas shopper dahil hindi na maaalis ang nakasanayan nilang paniniwala na kapag Christmas ay may mga pakulo ang bawat tindahan para bumenta.
Ba’t naman pagdadamutan ang mga negosyo na kumita ngayong Kapaskuhan? Kaya nga sila kumukuha ng dagdag na mga trabahador bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga mamimili.
Nauna nang binago ang operasyon ng mga mall, mula 11:00 ng umaga hanggang 11:00 ng hatinggabi, mula Nobyembre 18 hanggang Disyembre 25 sa hangaring mapaluwag ang daloy ng trapiko.
Ngunit ang oras ng pagsasara ay diskresyon na ng mga mall operator.
Problema sa daloy ng trapiko pero mall operation ang mag-aadjust.
Nasa tamang ruta ba ang kautusan ng MMDA tungo sa maluwag na trapiko?
Baka-sakali muli ang walang mall-wide sale bilang tugon sa masikip na trapiko.
Sana, pagbutihin ang pampublikong transportasyon at huwag nang pagdamutan ang mga negosyo na kumita. Sabi nga, hindi naman araw-araw Pasko.
66