GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
Minsan, hindi ko maiwasang isipin kung naaalala pa ba ng ilang pulis kung sino ang tunay nilang pinaglilingkuran. Nakasuot sila ng unipormeng sumisimbolo sa batas at kaayusan, ngunit paano kung ang mismong mga taong dapat nilang protektahan ang siya nilang sinasaktan? Nakababahala kapag ang mga nagpoprotesta ay sinisipa, hinihila, at hinahawakan na para bang wala silang karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili.
Hindi krimen ang pagpoprotesta. Hindi rin kailangang maging mayaman, makapangyarihan, o sikat upang magkaroon ng karapatang magsalita.
Hindi naman basta-basta lumalabas sa lansangan ang mga tao dahil wala silang ibang magawa. May dahilan kung bakit handang magbilad sa araw, maglakad nang ilang oras, at humarap sa mga pulis ang mga magsasaka, manggagawa, estudyante, at iba pang mamamayan. May ipinaglalaban sila, at kung minsan, ang lansangan na lamang ang natitirang lugar kung saan maaari nilang iparinig ang kanilang mga hinaing.
Hindi rin naman maikakaila na hindi palaging mahinahon ang mga kilos-protesta. Mabilis uminit ang ulo ng mga tao, lalo na kapag pakiramdam nila ay hindi sila pinakikinggan.
May mga pagkakataong nagtutulakan sa mga harang, may mga nagpipilit na lumapit, at may mga pulis namang kailangang panatilihin ang kaayusan. Nauunawaan kong hindi madaling kontrolin ang isang malaking pagtitipon, at hindi rin maiiwasang magkaroon ng tensiyon sa magkabilang panig.
Ngunit hindi ba dapat mas marunong magpigil ang mga taong sinanay upang magpatupad ng batas?
Noong Nobyembre 15, kasabay ng pagbubukas ng ika-49 na ASEAN Summit, nagkaroon ng marahas na dispersal sa mga nagpoprotesta sa Sucat. Ayon sa mga organisador, humigit-kumulang 300 katao ang naaresto. Iniulat naman ng Southern Police District na 236 ang kanilang naaresto sa lugar. Kabilang sa mga nagprotesta ang mga magsasaka, manggagawa, estudyante, at mga katutubo na tumututol sa pagbisita ni US President Donald Trump at sa mga proyektong gaya ng Pax Silica. May mga ulat din ng mga nasugatan sa magkabilang panig.
Hindi ko sinasabing walang pananagutan ang mga nagpoprotesta. Kung may lumabag sa batas o nanakit ng kapwa, dapat itong imbestigahan. Ngunit may pagkakaiba ang pagpapatupad ng batas at paggamit ng dahas na hindi naman kinakailangan. Hindi maaaring gawing dahilan ang pagtutulakan upang sipain o saktan ang isang tao.
Mas lalo akong nabahala nang iulat na nahirapan ding makapasok sa Camp Bagong Diwa ang mga abogado at kinatawan ng mga organisasyong nais tiyakin ang kalagayan ng mga naaresto. Ayon sa mga abogado, ilang oras silang naghintay bago pinayagang makapasok upang magbigay ng legal na tulong. Hindi ba karapatan ng isang taong nasa kustodiya na magkaroon ng abogado?
At dito pumapasok ang isa pang problemang matagal nang hindi mawala-wala: ang hindi pantay na pagtingin sa mayaman at mahirap.
May sarili akong kasabihan pagdating sa hustisya: “Pag mayaman: Innocent until proven guilty. Pag mahirap: Guilty until proven innocent.”
Nakatatawa kung tutuusin, pero masakit kapag pinag-isipan. Gaano kadalas hinuhusgahan ang isang tao dahil lamang sa kanyang itsura, estado sa buhay, o grupong kinabibilangan? Bakit tila mas madaling pagdudahan ang mahihirap kaysa bigyan sila ng pagkakataong marinig?
Ang karapatang magpahayag at magtipon nang mapayapa ay hindi pribilehiyong para lamang sa mga taong sang-ayon sa pamahalaan. Hindi rin nawawala ang karapatang pantao dahil lamang ang isang tao ay naaresto.
Kung inaasahan nating sumunod sa batas ang mamamayan, dapat ganoon din ang mga nagpapatupad nito. Hindi lamang kapangyarihan ang kaakibat ng uniporme.
Kaakibat din nito ang pananagutan.
Dahil kung ang mga taong dapat nating lapitan kapag nanganganib tayo ang siya na ring dahilan kung bakit tayo natatakot, kanino pa ba tayo hihingi ng proteksyon?
29 