MAYOR, 8 PA TARGET NG LAW ENFORCEMENT OPS

TARGET ngayon ng law enforcement operation ang isang municipal mayor at walong iba pa kaugnay sa umano’y tangkang pagpatay sa isang vice mayor sa lalawigan ng Maguindanao del Sur.

Nagpalabas ng arrest warrant ang isang korte sa Iligan City laban kay Nabalawag, BARMM Mayor Datu Rhenz Tukuran at sa walong iba pa dahil sa umano’y pagkakasangkot sa planong pagpatay kay Datu Piang Vice Mayor Mohammad Omar Samama.

Inilabas ng Iligan City Regional Trial Court Branch 1 ang mga warrant kaugnay ng mga kasong paglabag umano sa Anti-Terrorism Act.

Batay sa impormasyong ibinahagi ni CIDG-Bangsamoro chief, Lt. Col. Eugene Balogo, ang kanilang punong himpilan ang naghain ng kaso.

Matatandaang nakaligtas si Samama sa pamamaril ng isang sniper noong Pebrero 24, 2025 habang nagtatalumpati sa isang medical mission sa Barangay Magaslong, Datu Piang. Tinamaan ng bala sa tiyan ang bise alkalde.

Patuloy naman ang manhunt operation ng CIDG laban sa siyam na akusado.

Nanawagan din si Balogo sa mga pinaghahanap na boluntaryong sumuko sa mga awtoridad.

Wala pang inilalabas na pahayag ang panig ng alkalde at iba pang akusado hinggil sa mga alegasyon.

Hindi pa napatutunayan sa korte ang mga paratang laban sa kanila.

(JESSE RUIZ)

34

Related posts

Leave a Comment