HINDI nababahala si US President Donald J. Trump sa sigalot sa West Philippine Sea (WPS) at tiniyak na maaaksyunan ang naturang usapin sa kabila ng patuloy na agresibong pagkilos ng China laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas.
“I’m not concerned about that at all. That’ll be taken care of,” pahayag ni Trump nang tanungin tungkol sa alitan sa karagatan sa bilateral meeting nila ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang nitong Miyerkoles.
Magkaalyado ang Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) na nilagdaan noong 1951.
Nakasaad sa kasunduan na kapwa kikilos ang dalawang bansa upang harapin ang mga banta sa kanilang seguridad sakaling magkaroon ng armadong pag-atake laban sa alinman sa kanila sa rehiyon ng Pasipiko, alinsunod sa kani-kanilang proseso sa ilalim ng Konstitusyon.
Inaasahang kabilang sa mga pangunahing paksa ng kanilang pag-uusap ang seguridad sa karagatan sa gitna ng tumitinding tensyon sa South China Sea, na halos buong inaangkin ng China, kabilang ang mga bahaging sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa kanyang opisyal na pagbisita sa Maynila, tinalakay rin nina Trump at Marcos ang matagal nang alyansa ng dalawang bansa at mga paraan upang palawakin ang kooperasyon sa depensa, kalakalan at pamumuhunan, seguridad pang-ekonomiya, ugnayang mamamayan sa mamamayan, pagtugon sa mga hamong lagpas sa pambansang hangganan, at proteksyon ng mga Pilipinong nasa ibang bansa.
Ipinagdiriwang ngayong taon ng Pilipinas at Estados Unidos ang ika-80 anibersaryo ng kanilang relasyong diplomatiko at ika-75 anibersaryo ng paglagda sa MDT.
Patuloy namang pinalalawak ng Maynila ang ugnayan nito sa iba pang mga bansang katuwang sa seguridad habang pinatitibay ang matagal nang alyansa sa Washington, sa gitna ng mas mapangahas na pagkilos ng Beijing sa South China Sea.
Matatandaang pinawalang-bisa ng arbitral ruling noong 2016 ang malawak na pag-aangkin ng China sa South China Sea, kabilang ang mga bahaging sakop ng EEZ ng Pilipinas.
(CHRISTIAN DALE)
35 