NASAWI ang isang 57-anyos na lalaki matapos mabundol ng isang e-bike habang nagjo-jogging sa Camella-Tres Cruces Road, Barangay Tres Cruses, Tanza, Cavite, nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ang biktima sa alyas na Arnold, may-asawa at driver na residente ng Sunrise Subdivision, Barangay Tres Cruces.
Naisugod pa siya sa Tanza Doctors Hospital dahil sa tinamong pinsala sa ulo, subalit namatay din habang ginagamot.
Hawak na ng pulisya ang driver ng e-bike na kinilalang si alyas Celrick, 33, isang online seller at residente ng Wellington Residences, Barangay Tres Cruses, Tanza.
Batay sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-4 ng hapon habang nagjo-jogging ang biktima sa nasabing kalsada.
Binabagtas naman ng e-bike ang lugar patungo sa AllHome nang mabundol nito ang biktima.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, bumagsak ang lalaki at tumama ang ulo sa konkretong bahagi ng kalsada.
Depensa ng driver, nasilaw umano siya sa sikat ng araw kaya hindi niya napansin ang biktimang nagjo-jogging.
Naaresto ang driver at nahaharap sa kaukulang kaso kaugnay ng insidente.
(SIGFRED ADSUARA)
48 