OPISYAL nang nagretiro si Supreme Court Associate Justice Amy Lazaro-Javier na may record na zero backlog o walang naiwang nakabinbing kaso sa buong panahon ng kanyang paglilingkod sa Hudikatura.
Bilang pagkilala sa kanyang natatanging serbisyo, ginawaran si Lazaro-Javier ng Judicial Medal of Distinction, isa sa pinakamataas na parangal ng Korte Suprema para sa kahusayan sa hudikatura.
Ayon sa Supreme Court (SC), iginagawad ang naturang medalya sa mga nagreretirong mahistrado na walang kasong naiwang hindi nareresolba lampas sa 24-month period na itinatakda ng Konstitusyon.
Napanatili umano ni Lazaro-Javier ang zero-backlog docket kapwa sa Court of Appeals at Korte Suprema.
Kabilang din sa mga dating mahistradong ginawaran ng Judicial Medal of Distinction sina dating Chief Justice Alexander G. Gesmundo at dating Senior Associate Justice Estela M. Perlas-Bernabe.
Iginawad kay Gesmundo ang medalya sa kanyang retirement ceremony ngayong taon, habang natanggap naman ito ni Perlas-Bernabe nang magretiro noong 2022.
(JULIET PACOT)
62 