UNIPORME NG DELIVERY RIDER GINAMIT SA DRUG OPERATION, BOOMERANG PINANGANGAMBAHAN!

Kurdapyo ni TOTO NABAJA

NANGANGAMBA ngayon ang lehitimong delivery riders ng Maxim, na baka mag-boomerang sa kanilang grupo ang drug bust operation ng mga pulis sa Bacolod City.

Ganito kasi ‘yan mga Ka-Totong Kurdapyo at Kurdapya, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga pulis nitong November 7, sa Purok Santo Niño, Barangay Handumanan, Bacolod City, ang siste ginamit ng isang pulis ang kanilang uniporme. Aray Naku, Pakak!

Umalma ang lehitimong riders ng Maxim makaraang mag-viral sa social media ang larawan ng isang undercover police na inilabas mismo ng Bacolod City Police Office (BCPO) suot ang itim na long-sleeved top na may tatak ng Maxim delivery service. Naloko na!

Bagama’t nahuli ng mga awtoridad ang target sa kanilang operasyon na si alyas “Atan” at nakuhanan ng apat na gramo ng hinihinalang shabu na katumbas ng P27,000.00, natatakot ngayon ang delivery riders ng Maxim na baka sila naman ang mapagkamalang impormante at mapag-initan. Susmaryosep, huwag naman sana!

May punto at hindi maiiwasang mangamba ang delivery riders sa kanilang kaligtasan, lalo pa nga at araw-araw silang laman ng lansangan, pero may mga pagkakataon din na kailangang mag-disguise ng mga awtoridad gamit ang uniporme ng iba’t ibang mga service crew sa mga lihitimong operasyon upang maiwasang mabulilyaso ang kanilang misyon. Ano sa palagay n’yo, mga Ka-Toto, o hindi kayo mapalagay?

Hindi naman ipinagkibit-balikat ni Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR) Director PBGen. Rudecindo Reales, ang insidente at agad ipinag-utos ang pagrepaso sa operasyon ng kanyang mga pulis kontra droga sa Bacolod City. ‘Yan ang action man!

Posibleng nga namang magresulta ito ng negatibo at maapektuhan ang mga lehitimong nagtatrabaho sa delivery services. Tumpak ka d’yan, Sir.

Hindi lang ‘yan, pwede ring malito ang publiko at iugnay ang mga delivery rider sa mga operasyon ng kapulisan na maglagay sa peligro sa kanilang hanapbuhay at seguridad. Ambot sa bakang biyuda!

Sa totoo lang, hindi lang naman ito sa Bacolod nangyari, marami ang gumagawa nito sa mga operasyon kontra droga. Ang tanong… lehitimo ba ang ganitong operasyon gamit ang uniporme ng mga delivery service sa halip na civilian plain clothes?

Panahon na nga siguro para linawin ni PNP chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kung may paglabag sa paggamit ng mga uniporme ng mga delivery service sa mga drug operation.

Aminado naman si Reales na mahalaga ang papel ng delivery riders sa pagseserbisyo at pag-unlad ng komunidad. Mismo, nadali mo, Sir.

Sa huli, isang bagay ang tiniyak ng PRO-NIR, na magpapatuloy ang kanilang operasyon nang naayon sa batas, propesyonalismo at may accountability. Period!

45

Related posts

Leave a Comment