SA kabutihang palad, walang nasaktan matapos mawalan ng preno ang isang ten-wheeler truck at sumalpok sa isang convenience store sa Maharlika Highway, Barangay Lalig, Tiaong, Quezon noong Lunes ng hapon.
Batay sa imbestigasyon ng Tiaong Police Station, dakong alas-2:15 ng hapon nang mangyari ang insidente habang binabagtas ng cargo truck ang southbound lane ng highway at biglang hindi kumagat ang preno.
Tinangkang ilihis ng 46-anyos na driver ang truck upang maiwasang bumangga sa ibang sasakyan, subalit tuluyan itong nawalan ng kontrol at sumalpok sa establisimyento.
Halos kalahati ng truck ang pumasok sa tindahan na nagresulta sa pagkasira ng sasakyan at ng nasabing establisimyento.
Hindi pa natutukoy ang kabuuang halaga ng pinsala ng nasirang ari-arian.
Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Pinag-usapan na ng magkabilang panig ang posibleng amicable settlement sa kaso.
(NILOU DEL CARMEN)
47 