ICC DECISION SA KASO NI DIGONG POSIBLENG MAGPAHINA SA SOBERANYA NG PH?

NAGDULOT ng pangamba sa usapin ng soberanya ng bansa ang pinakahuling desisyon ng International Criminal Court (ICC) na naninindigan sa hurisdiksyon nito sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Senador Imee Marcos.

Ayon sa senadora, ipinapakita ng hakbang na hindi kinikilala ng ICC ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.

Binigyang-diin niya na maaaring magdulot ito ng paghina sa prinsipyo ng pambansang soberanya at sa paninindigan na dapat unahin ang mga lokal na institusyon ng hustisya kung may kakayahan ang mga ito.

Iginiit din ni Marcos na ang paghahanap ng katarungan ay dapat naaayon sa Saligang Batas at umiiral na batas ng bansa, at igalang ang integridad ng sistemang hudisyal ng Pilipinas.

Kinontra ng Palasyo

Samantala, nilinaw ng Malakanyang na ang desisyon ng ICC Appeals Chamber ay hindi nagdidikta sa aksyon ng pamahalaan sa kaso.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang pagpapadala kay Duterte sa The Hague ay hindi ginawa upang tumugon sa utos ng ICC kundi nakabatay sa batas ng Pilipinas at international obligations sa pamamagitan ng law enforcement channels, kabilang ang ugnayan sa Interpol.

“Ang pagpapadala po kay dating Pangulong Duterte ay hindi naman po para tugunan ang utos ng ICC,” ani Castro.

Pinalagan din niya ang pahayag ng defense lawyer ni Duterte na si Nicholas Kaufman, na kumuwestiyon sa posisyon ng administrasyon hinggil sa ICC jurisdiction.

Dagdag pa ng Malakanyang, hindi pa rin kinokonsidera sa ngayon ng pamahalaan ang muling pagsali sa ICC.

58

Related posts

Leave a Comment