IPINAGKATIWALA ng House minority bloc sa sinibak na miyembro ng gabinete ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa junket, ang pag-iimbestiga sa mga anomalyang kinasasangkutan ng local officials.
Noong Miyerkoles, itinalaga ni House minority leader Marcelino “Noynoy” Libanan si Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon bilang chairman ng House committee on public accounts na pinamunuan ni dating Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano.
Magugunita na si Paduano ang nag-imbestiga sa mga local official na inaakusahang sangkot sa anomalya sa kanilang bayan o probinsya tulad ni dating Cagayan governor at ngayo’y Vice Governor Manuel Mamba dahil sa umano’y ilegal na paggamit sa ayuda noong 2019 election.
Ang nasabing komite rin ang nag-imbestiga sa mga dating local officials ng Mexico, Pampanga kung saan nakabili ng mga ari-arian ang mga Chinese national na isinasangkot sa P3.6 billion shabu.
Magugunita na si Ridon ay itinalaga ni Duterte bilang kalihim ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) noong 2017 ngunit sinibak dahil panay umano ang biyahe nito sa ibang bansa gayung ang trabaho nito ay iangat sa kahirapan ang mga tao.
“To think the office is an urban poor agency, I don’t understand why you have to be there at every pow wow in the international scene,” ang magugunitang sinabi ni Duterte nang sibakin si Ridon dahil sa mahigit isang taon nito sa PCUP ay nakapagtala ito ng 7 biyahe sa iba’t ibang panig ng mundo.
Itinanggi naman ni Ridon, dating kinatawan ng Kabataan party-list, na junket ang kanyang mga biyahe dahil ang mga dinaluhan umano niyang kumperensya ay may kinalaman sa urban poor tulad ng poverty alleviation, public housing at climate change.
Nakabalik sa Kongreso si Ridon sa pamamagitan ng Bicol Saro party-list na konektado umano sa mga Villafuerte sa Camarines Sur at bilang chairman ng nasabing komite na kasama sa Quad Committee 2.0 at mag-iimbestiga sa mga nawawalang sabungero.
Makakasama ni Ridon sa Quad Com sina Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., na namumuno sa committee on Human Rights; Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, chair ng committee on Public Order and Safety at Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores, chair ng committee on Dangerous Drugs.
(BERNARD TAGUINOD)
369 