ILLEGAL DISMISSAL AT IBA PA ISINAMPA SA YASCI SA DOLE-NLRC

PUNA ni JOEL O. AMONGO

PORMAL nang nagsampa ng illegal dismissal, maltreatment, harassment, separation pay claim, illegal deduction, service incentive leave, holiday pay, overtime pay, COLA, at minimum wage laban sa Young Achievers’ School of Caloocan, Incorporated (YASCI) ang isang janitor matapos siyang tanggalin nito nang walang malalim na dahilan.

Si Ryan Nallica Limqueco, 39-anyos, janitor, residente ng Brgy. 171, Bagumbong, Caloocan City, ay nagtungo sa National Labor Relations Commission (NLRC), Regional Arbitration Branch-NCR ng Department of Labor and Employement (DOLE) upang ireklamo ang nasabing paaralan na nagtanggal sa kanya.

Matatandaang kamakailan ay sumulat si Limqueco sa pahayagang SAKSI NGAYON upang idulog ang kanyang problema kaugnay sa pagtanggal sa kanya bilang janitor ng YASCI.

Ayon kay Limqueco, sinabihan siya noong Setyembre 3, 2026 ni Janeth Hernandez Isuela, isa sa may-ari ng Young Achievers’ School of Caloocan, Inc., na tanggal na siya sa trabaho.

Si Limqeuco ay nagsimulang magtrabaho sa YASCI noong Nobyembre 22, 2024 bilang janitor na may arawang suweldo na P416.

Ang regular schedule na pasok ni Limqueco bilang janitor ng YASCI ay nagsisimula ng alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi mula Lunes hanggang Sabado maliban sa araw ng Linggo bilang pahinga.

Hindi umano nasusunod ang alas-9 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi na pasok ni Limqueco dahil nagsisimula siyang pumasok ng alas-6 ng umaga hanggang alas-7 ng gabi kasabay ng pasukan ng mga estudyante ng YASCI. Lumalabas na umaabot ng labing tatlong oras (13) ang pasok ni Limqueco sa YASCI araw-araw ngunit hindi man lang siya nakatatanggap ng overtime (OT) pay.

Bukod sa arawang suweldo na P416 ay wala na rin siyang natatanggap na ibang pang benepisyo mula sa YASCI.

Kung kaya’t mas minabuti na ni Limqueco na ireklamo ang YASCI sa NLRC ng DOLE na kinabibilangan ng mga illegal dismissal, maltreatment, harassment, separation pay claim, illegal deduction, service incentive leave, holiday pay, overtime pay, COLA, at minimum wage.

Itinakda ng DOLE NLRC-NCR ang isang conciliation conference sa pagitan ni Limqueco at ang may-ari ng YASCI na si Janeth Hernandez Isuela dakong alas-10 ng umaga sa Nobyembre 19, 2026 sa Sena Unit, 6th Floor ng Benlor Building sa 1184, Quezon Avenue, Quezon City.

Ayon sa natanggap nating impormasyon, ang YASCI ay itinatag noong 2003, dating kilala bilang Young Achievers’ Learning Center, ng dalawang retiradong public school principals na sina Oscar Hernandez at Julita Ramos Hernandez, sa Barangay 171, Zone 15, Bagumbong, Caloocan City, malapit sa boundaries ng Meycauayan, Bulacan, Valenzuela City at Quezon City.

Si Janeth Hernandez na isa sa nagpapatakbo ng YASCI, ay tiyahin ni 1st District, Caloocan City Councilor Orvince “Vince” Hernandez, na may satellite office sa isa sa YASCI Building sa Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City.

Hangad ng PUNA na sa itinakdang paghaharap nina Limqueco at may-ari ng YASCI ay hindi na humaba pa at maayos agad ang usaping ito.

oOo

Para sa reaksyon at suhestiyon, maaari po tayong i-text o tawagan sa cell# 0977-751-1840.

54

Related posts

Leave a Comment