KINUMPIRMA ni Senate Committee on Agriculture Chairman Senator Francis “Kiko” Pangilinan na may ilang opisyal ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno na sangkot umano sa smuggling ng mga produktong agrikultural sa bansa.
Ayon kay Pangilinan, nakatakdang ilabas sa susunod na buwan ang committee report hinggil sa isinagawang imbestigasyon ng komite sa patuloy na agricultural smuggling.
Nagbabala rin ang senador sa matataas na opisyal na posibleng pangalanan sa ulat at sinabing dapat silang magpasensiya sa sandaling mailabas ang mga resulta ng imbestigasyon.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na hindi magiging posible ang operasyon ng isang cartel sa importasyon ng mga produktong agrikultural kung walang kasabwat sa loob ng pamahalaan.
Gayunman, hindi pa niya tinukoy kung aling mga ahensya ng gobyerno o kung sinu-sinong opisyal ang posibleng sangkot sa naturang operasyon.
Naniniwala ang senador na bahagi ng modus operandi ang pagpasok ng mga imported na produktong agrikultural sa panahon ng anihan, sa kabila ng mga pangako ng mga ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Agriculture (DA), na hindi papayagan ang importasyon sa panahong ito.
Dahil dito, bumabagsak ang presyo ng mga lokal na produkto, na nagdudulot ng pagkalugi sa mga magsasaka habang nakikinabang naman ang mga middleman at trader.
Bilang halimbawa, binanggit ni Pangilinan ang pagkakasabat kamakailan sa Davao City at Limay, Bataan, ng humigit-kumulang 20,000 metric tons ng bigas mula Vietnam na tinatayang nagkakahalaga ng ₱700 milyon at iniulat na ipinuslit sa bansa.
Ikinadismaya rin ng senador na sa kabila ng umiiral na Agriculture Smuggling Act ay wala pa umanong big-time smuggler ang nakukulong.
(DANG SAMSON-GARCIA)
76 