GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
“PASENSYA na, joke lang ‘yon.” Ilang beses na ba nating narinig ang mga salitang ito mula sa mga taong nahuling nagsabi ng hindi angkop? Para bang sapat nang tawaging biro ang isang bagay upang mawala ang bigat ng kanilang sinabi. Pero hindi lahat ng biro ay nakatatawa, at lalong hindi lahat ay dapat palampasin. Ang mas nakababahala, sa pagkakataong ito, isang 12 taong gulang na bata ang naging paksa ng naturang biro.
Umani ng batikos ang isang reporter matapos tanungin si Kanye Avendaño kung papasok ba siya sa Vivamax kapag lumaki na siya. Nangyari ito sa isang media conference para sa pelikulang Guryon. Ang Vivamax, na kilala ngayon bilang VMX, ay isang platform na naglalabas ng mga pelikulang pangmatanda. Dahil dito, hindi nakapagtatakang maraming tao ang nadismaya sa tanong, lalo na nang malaman nilang menor de edad pa si Kanye. Agad na namagitan si Zaijian Jaranilla at pinaalalahanan ang reporter na bata pa ang kanyang kasama. Ang naging sagot naman ng reporter ay biro lamang iyon.
Pero sandali, ano ba talaga ang nakatatawa sa tanong na iyon?
Sa rami ng maaaring itanong sa isang batang aktor, bakit kailangang mapunta sa ganitong paksa ang usapan? Maaari namang tanungin si Kanye tungkol sa kanyang karanasan sa pag-arte, sa kanyang papel sa “Guryon”, o sa mga pangarap niya bilang isang batang nagsisimula pa lamang sa industriya. Maraming paraan upang maging kawili-wili ang isang panayam nang hindi naglalagay sa bata sa isang hindi komportableng sitwasyon. Hindi naman kailangang lumampas sa hangganan para lamang makapagpatawa o makakuha ng reaksyon mula sa mga tao.
Mas nakadidismaya ang nangyari dahil isang nakababatang aktor pa ang kailangang magpaalala sa isang nakatatanda tungkol sa nararapat at hindi nararapat itanong. Si Zaijian ang nagsalita upang ipagtanggol si Kanye, gayong dapat ay alam na ng reporter ang hangganang hindi dapat tawirin. Hindi kailangang maging magulang o kapatid ng isang bata upang maunawaan na may mga paksang hindi angkop talakayin sa kanya, lalo na sa harap ng publiko. Ang simpleng paggalang sa kanyang edad at dignidad ay dapat sapat nang dahilan upang mag-isip muna bago magtanong.
Dito pumapasok ang mas malaking problema sa kulturang tila nakasanayan na ng ilan. Kapag may nagsabi ng nakasasakit o hindi angkop, madalas na depensa ang “joke lang.”
Kapag may pumuna, biglang ang pumuna pa ang nagiging masama dahil hindi raw marunong makisama o tumanggap ng biro. Ngunit bakit kailangang ang taong nasaktan o ang taong nagtatanggol sa kanya ang mag-adjust? Hindi ba mas makatuwirang panagutan ng nagsalita ang kanyang mga salita?
Hindi rin dapat isipin na dahil artista ang isang bata ay kaya na niyang harapin ang lahat ng komento at tanong. Nagtatrabaho man sila sa harap ng kamera, mga bata pa rin sila na nangangailangan ng gabay at proteksyon. Hindi dapat maging normal ang mga tanong na maaaring maglagay sa kanila sa alanganing sitwasyon dahil lamang nasa industriya sila ng aliwan. Ang mga panayam ay dapat pagkakataon upang maipakita ang kanilang talento, hindi upang subukin kung paano nila haharapin ang mga tanong na hindi naman dapat ibinabato sa kanila.
Kaya nararapat lamang na kilalanin ang ginawa ni Zaijian. Hindi niya kailangang gumawa ng malaking eksena upang ipakita na may mali sa tanong. Ipinaalala lamang niya ang isang simpleng katotohanan: menor de edad pa si Kanye. Ngunit hindi dapat sa kanya lamang nakasalalay ang ganitong uri ng pagtatanggol. Mas malaking pananagutan ito ng mga nakatatanda, lalo na ng mga mamamahayag na may tungkuling magtanong nang responsable.
Kung talagang biro lamang iyon, dapat ding maunawaan ng reporter kung bakit hindi ito tinanggap ng publiko. Ang paghingi ng tawad ay hindi dapat maging paraan lamang upang matapos ang usapan, kundi pagkakataon upang kilalanin ang pagkakamali at matutong huwag itong ulitin. Hindi lahat ng bagay ay kailangang gawing katatawanan, at hindi dapat kailangang may ibang taong magsalita bago natin mapansing may mali sa ating mga salita.
Nakahihiya na isang mas batang aktor pa ang kinailangang magpaalala sa isang nakatatanda na may hangganan ang biro. Kung hindi natin kayang maging maingat sa mga salitang binibitawan natin sa harap ng isang bata, paano natin maaasahang mapoprotektahan natin sila sa mga sitwasyong mas seryoso kaysa rito?
57 