TAMBULI ni JESSE RUIZ
ISANG malaking sampal sa mukha ng buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas at tahasang kawalan ng respeto sa mga nagbuwis ng buhay ang mga lumitaw na sarkastiko at manhid na komento sa social media kaugnay ng trahedya sa himpapawid.
Matatandaang noong Oktubre 23, 2026 ay nasawi ang apat na piloto ng Philippine Air Force matapos magsalpukan ang dalawang SF-260 Marchetti trainer aircraft habang nagsasagawa ng training flight sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas.
Sa halip na makiramay, may ilang netizen pa ang nagawang mangutya—isang asal na mariing tinawag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. bilang hindi lamang “unacceptable,” kundi katraydoran din sa Inang Bayan.
Katuwiran ng ilang nagmamagaling sa online, bakit daw nagkabanggaan ang mga eroplano gayong napakalawak naman ng himpapawid.
Ngunit ayon mismo sa kalihim, ang ganitong reaksyon ay lantarang pagpapakita ng kamangmangan sa larangan ng military aviation.
Hindi ito tulad ng simpleng pagpapalipad ng sibilyang eroplano; ang pagsasanay ng militar ay kinabibilangan ng tight formation flying o malapitang paglipad upang mahasa ang taktikal na kakayahan at mabawasan na makita ng mga radar ng kalaban.
Ang kanilang sinasapian ay araw-araw na panganib para sa seguridad ng bansa, kaya’t ang pagpapalabas ng mga mapanuyang pahayag habang nagdadalamhati ang mga naulilang pamilya ay kawalan ng sapat na pagkatao.
Higit pa rito, lubhang nakababahala ang mga komento na nag-uugnay agad sa usapin sa ibang bansa tulad ng Tsina, na nagpapakita lamang ng kawalan ng malawak na pang-unawa sa estado ng ating soberanya. Ang mga sundalong ito ay nag-eensayo hindi para mang-away, kundi upang ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas gamit ang buhay bilang puhunan.
Panahon ito hindi para sa walang-kwentang pambabatikos kundi para sa pagkakaisa at pagkilala sa dakilang sakripisyo ng ating mga sundalo. Ang mga nagpapakalat ng karahasan ng salita sa gitna ng trahedya ay patunay na may mga Pilipino pang bulag sa tunay na halaga ng paglilingkod-bayan.
Nararapat lamang na gisingin ang kamalayan ng publiko: ang paggalang sa uniporme at sa mga nagbuwis ng buhay ay sukatan ng ating pagiging tunay na mamamayang nagmamahal sa ating bansa.
66 