IBINASURA na ng Metropolitan Trial Court (MeTC) Branch 153 sa Pasig City ang kasong slight physical injuries laban kay Police Staff Sergeant (PSSG) Erwin Lagua, ang pulis na naging viral dahil sa insidente ng umano’y pananakit sa isang commuter.
Ito ay matapos boluntaryong bawiin ng complainant na si Jhon Vincent Cayanes ang kanyang reklamo sa pamamagitan ng paghahain ng affidavit of desistance, kung saan sinabi niyang nag-ugat lamang sa hindi pagkakaunawaan ang kasong isinampa laban sa pulis.
Matatandaang nag-viral sa social media ang insidente matapos lumabas ang alegasyong itinulak ni Lagua si Cayanes. Gayunman, nang kumalat ang kabuuang video, makikita umanong hinabol ni Cayanes ang pulis kahit umiiwas na ito.
Una nang sinampahan ng Philippine National Police (PNP) si Lagua ng kasong frustrated murder, ngunit ibinasura ito ng Pasig City Prosecutor’s Office at sa halip ay nagrekomenda ng pagsasampa ng kasong slight physical injuries.
Sinuportahan naman ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) si Lagua, kung saan personal na tumayong abogado niya ang LCSP founder na si Atty. Ariel Inton.
(JULIET PACOT)
118 