GINAWARAN ng National Council for Children’s Television (NCCT) ang programang Masaganang Buhay bilang “Child-Friendly Television Program” dahil sa paghahatid nito ng ligtas, edukasyonal, angkop sa edad at nakatuon sa mabubuting pagpapahalagang programa para sa mga manonood.
Ang NCCT, isang attached agency ng Department of Education (DepEd), ay kumilala sa programa dahil sa paghahatid nito ng mga napapanahong kaalaman at praktikal na tips tungkol sa paghahalaman, pagsasaka at sustainable living.
Pinangungunahan ni host Mer Layson, isang magsasaka mula sa Mexico, Pampanga, ang Masaganang Buhay, na napapanood sa One PH ng Cignal TV, Channel 1, at RPTV ng TV5. Mapapanood din ang programa nang live sa YouTube at Facebook.
Ayon kay Layson, ibinabalik niya sa Panginoon ang papuri at karangalang natanggap ng programa.
Nagpasalamat din siya sa kanyang pamilya, sa buong production team sa pangunguna ni Director Bing Cregencia, at sa mga kasamahan niyang sina Icy Padua, Winona Sadia, Lalaine Rebuta, Jinson Ilmeng, Batersal Manzano, Chap Suey, Jay-ar Tenorio, Xhy Loreto-Gallardo at Jastine Ronquillo, gayundin sa iba pang staff ng programa.
Pinasalamatan din ni Layson ang pamunuan ng One PH, Cignal TV at RPTV ng TV5, pati na ang mga tagasubaybay, advertiser at iba pang patuloy na sumusuporta sa programa.
Mula sa pagiging magsasaka sa Mexico, Pampanga, naging self-supporting student, reporter, kolumnista at TV host si Layson. Gayunman, nanatili ang kanyang adbokasiya na isulong ang organic farming saanman siya dalhin ng kanyang karera.
Kabilang sa mga itinaguyod niya ang pagtuturo ng pagtatanim sa mga alternatibong lalagyan gaya ng mga bote ng softdrinks at mineral water, paso, sako, timba at iba pang bagay na maaari pang mapakinabangan sa halip na itapon.
Para kay Layson, mahalagang bahagi ng seguridad sa pagkain ang pagsisimula nito sa bawat tahanan.
“Food Security Starts at Home,” ani Layson.
66 