Inaasahan ng prosec KASONG KRIMINAL VS VP SARA

INAASAHAN ng prosecution panel ng Kamara na magsasampa ng mga kasong kriminal ang Office of the Ombudsman laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, kasunod ng pagsisimula ng ahensya sa pagsusuri ng mga ebidensya.

Ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong, kinatawan ng Lanao del Sur, maaaring humantong sa pagsasampa ng kaso laban sa mga responsableng opisyal ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) ang pagkalap at pagsusuri ng ebidensya ng Ombudsman. Dating kalihim ng DepEd si Duterte.

Sinabi ni Adiong na hindi lamang umano simpleng maling paggamit ng pondo ang usapin, kundi posibleng pag-aaksaya rin ng pera ng bayan. Dahil dito, aniya, nararapat na magkaroon ng hiwalay na imbestigasyon ang Ombudsman bukod sa proseso ng impeachment.

Dagdag pa ni Adiong, kung magsasampa ng kaso ang Ombudsman sa Sandiganbayan, nangangahulugan itong naniniwala ang ahensya na sapat ang ebidensya upang patunayan ang pananagutan ng mga sangkot sa antas na beyond reasonable doubt.

Nilinaw rin ni Adiong na hindi nangangahulugan ng paghina ng mga paratang ang imbestigasyon ng Ombudsman, kundi nagpapakita lamang na sinusuri ng ahensya ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente.

(TINA MENDOZA)

83

Related posts

Leave a Comment