AMINADO si Senador Erwin Tulfo na sumama ang loob niya sa tatlo niyang kasamahan sa Senado na bumoto kontra sa pagbasura sa petisyong naglalayong madiskuwalipika siya bilang senador dahil sa isyu ng citizenship.
Kabilang sa mga bumoto kontra sa pagbasura sa petisyon sina Senador Pia Cayetano, Senador Robin Padilla at Senador Camille Villar.
Sinabi ni Tulfo na inaasahan na niya ang boto ni Cayetano dahil hindi naman sila nag-uusap sa Senado. Gayunman, ikinalungkot niya ang naging boto nina Padilla at Villar na aniya ay malapit sa kanya.
Inilarawan ni Tulfo si Padilla bilang isang kaibigang tinatawag niyang insan, habang nakasama naman niya sa Kamara si Villar.
Gayunman, iginiit ng senador na iginagalang niya ang naging desisyon ng tatlo dahil karapatan nilang bumoto ayon sa kanilang paninindigan.
“So masama lang po ang loob natin. Nakikita niyo naman siguro na nagyayakapan, kausap, nagkakamayan, then suddenly, medyo malungkot lang naman. Pero karapatan naman nila eh. I mean, what can we do? Hindi naman natin pwedeng pwersahin. Kung yun ang pananaw nila, then so be it. Ipagpasa-Diyos na lamang natin,” pahayag ni Tulfo.
Ipinaalala rin ni Tulfo na ilang beses nang nadismis ang mga petisyong kumukuwestiyon sa kanyang pagiging senador dahil sa isyu ng citizenship at political dynasty.
Nagpasaring din ang senador sa usapin ng political dynasty at kinuwestiyon kung hindi rin ba kabilang sa mga political dynasty ang mga senador na nagnanais na madiskuwalipika siya.
95 