MAY nakahandang P7.864 bilyong pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) na maaaring gamitin ng pamahalaan para sa relief efforts at response operations laban sa epekto ng lumalalang El Niño sa bansa, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon kay OCD Spokesperson at Director for Disaster Preparedness Service Vic Tomas, nananatiling available ang naturang pondo para sa anomang kinakailangang pagtugon at interbensyon ng gobyerno kaugnay ng tagtuyot.
“Meron tayong P7.864 billion NDRRM Fund available po ‘yan for any response na kailangang gawin patungkol sa El Niño,” pahayag ni Tomas sa isang news forum.
Sa kasalukuyan, nasa 109 na lugar sa bansa ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa matinding tagtuyot. Kabilang dito ang 66 na lugar sa Cagayan Valley, 23 sa Caraga, 12 sa Bicol, apat sa CALABARZON, dalawa sa Cordillera, at tig-isa sa Soccsksargen at Eastern Visayas.
Bukod sa NDRRMF, may nakalaan ding P6.685 bilyon sa ilalim ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance program para sa rehabilitasyon at muling pagbangon ng mga apektadong lalawigan.
Napapanahon ang paghahanda ng pondo dahil umabot na sa P6.87 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura, habang mahigit 223,000 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng tagtuyot.
Batay naman sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 240,000 ektarya ng mga taniman ang napinsala ng matinding init at kakulangan ng ulan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, maaaring gamitin ang pondo hindi lamang sa pagtugon matapos ang sakuna kundi maging sa mga hakbang upang mabawasan ang epekto nito. Kabilang dito ang water management, cloud seeding at pamamahagi ng mga bomba at pasilidad para sa irigasyon.
Nauna nang nakapaghatid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at OCD ng tulong na nagkakahalaga ng P76.4 milyon, kabilang ang mga food pack at generator, sa mga komunidad na unang naapektuhan.
Samantala, nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na paigtingin ang paghahanda sa inaasahang kakulangan sa tubig at kuryente.
Kabilang sa mga inirekomendang hakbang ang pagpapabilis ng pagkukumpuni ng mga emergency pipeline, paghihigpit sa hindi mahalagang paggamit ng tubig, at pagsusulong ng rainwater harvesting at water recycling.
Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking may sapat na backup power at nakaimbak na tubig ang mga ospital, paaralan, evacuation center at iba pang mahahalagang pasilidad.
Ayon sa naunang datos, may 48,616 pamilyang nangangailangan ng tulong, kung saan 36,275 pamilya na ang nabigyan ng ayuda na nagkakahalaga ng P46.47 milyon.
Patuloy namang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring tumindi ang El Niño bago matapos ang 2026 at magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027.
Posibleng magdulot ang naturang kondisyon ng mas mababang dami ng ulan, dry spells at matinding tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa.
(JESSE RUIZ)
95 