PCG, JAPAN COAST GUARD NAGKASA NG JOINT MARITIME EXERCISE

NAGSAGAWA ng magkasanib na anti-piracy exercise ang Philippine Coast Guard (PCG) at Japan Coast Guard (JCG) sa Manila Bay nitong Linggo, Oktubre 18, upang palakasin ang kanilang kooperasyon sa maritime security at paghusayin ang kakayahan sa pagtugon sa mga insidente ng pamimirata.

Isinagawa ang pagsasanay kasunod ng pagdating ng barko ng JCG na Shikishima sa Eva Macapagal Pier 13 sa Maynila noong Biyernes, Oktubre 16. Nakatakdang manatili sa Pilipinas ang barko hanggang Oktubre 18.

Ayon kay Commodore Algier Ricafrente, acting deputy chief of staff for international affairs ng PCG, unang port visit sa Pilipinas ng Shikishima ang naturang pagbisita matapos itong ma-komisyon noong 2025.

“Itong barko na ‘to first time na nakapunta sa’tin kasi bagong barko ito. [Noong] 2025 lang nila ito na-commission na barko,” ani Ricafrente.

Idinagdag niyang nakasama rin ang naturang barko sa isinagawang maritime pollution exercise sa Bitung, Indonesia.

Ipinaliwanag ni Ricafrente na nakatuon ang pagsasanay sa pagsakay at pag-inspeksyon sa mga barkong pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na aktibidad, gayundin sa pagpapahusay ng kakayahan ng dalawang coast guard sa pagtugon sa mga insidente ng pamimirata.

“Malaking bagay po ito dahil hindi lang dito mate-test ‘yung capability natin on board and search sa mga barko ng mga suspected na mayroong ginagawang masama… ‘yung capability [din] natin na pag-adhere or pag-address sa mga piracy situation,” aniya.

Ayon pa sa opisyal, pagkakataon din ang ehersisyo upang maibahagi ng dalawang ahensya ang kanilang best practices sa pagpapatupad ng mga batas sa karagatan.

Bahagi ang aktibidad ng estratehikong pakikipagtulungan ng Pilipinas at Japan upang patatagin ang panrehiyong kooperasyon laban sa pamimirata at armadong panloloob sa mga barko.

Kaugnay ito ng Regional Cooperation Agreement on Combating Piracy and Armed Robbery against Ships in Asia (ReCAAP).

“Kasama sa trabaho ng ReCAAP is to deter ‘yung mga anti-piracy activities at sea,” pahayag ni Ricafrente. Idinagdag niyang magsisilbi ring mga tagamasid sa joint exercise ang executive director ng ReCAAP.

Magpapadala ang PCG ng dalawang barko na may habang 197 metro at 144 metro para sa aktibidad na isasagawa sa karagatan ng Manila Bay, malapit sa maritime corridor.

(JESSE RUIZ)

73

Related posts

Leave a Comment