P20 PER KILO NG BIGAS MALABO NA

IMBESTIGAHAN NATIN
Ni JOEL O. AMONGO
MUKHANG hindi na matutupad ang ipinangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na P20 kada kilo ng bigas sa bansa.
Bakit nasabi natin ‘yan? Kamakalawa, bumili kami ng isang sakong bigas na 25 kilos, nasa isang daang piso ang itinaas nito mula sa dating presyo.
Ang presyo ng 25 kilos ng isang sakong bigas ay may halagang P1,300 mahigit mula sa dating P1,200 lamang noong mga nakaraang buwan.
Dismayado ang taumbayan na nakausap ng Imbestigahan Natin, sa halip na bumaba ang presyo ng bigas dahil mismong si Pangulong Marcos ang kalihim ng Department of Agriculture (DA), ay hindi naman nangyari.
Imbes na bumaba ang presyo ng bigas ay lalo pang tumaas ang kada kilo nito ngayon.
Sa susunod na mga buwan ay maaari pa itong tumaas hanggang umabot ng P60 kada kilo ang pinakamababang presyo dahil magkakaroon umano ng krisis sa supply ng bigas sa world market.
‘Pag nagkataon, hindi na bigas ang kakainin ng mga Pilipino, marahil mauwi sa alternatibong pagkain katulad ng mais o kaya ay kamoteng kahoy at kamoteng baging.
Noong Hulyo 24, 2023, sa isinagawang State of the Nation Address (SONA), binalaan ni Pangulong Marcos ang smugglers na bilang na ang kanilang mga araw.
Sa kabila ng babala ni PBBM sa smugglers, hindi naman naniniwala si Sen. Risa Hontiveros na ma­reresolba ang problema ng bansa sa smuggling.
Ayon sa akusasyon ni Sen. Hontiveros, may “go­vernment-sponsored smuggling” ng asukal na ginawa ang kasalukuyang administrasyon.
Ayon pa sa mambabatas, tone-toneladang asukal ang pinag-uusapan dito, 450,000 metric tons.
Sinabi ng senadora na tatlong kompanya, halos handpicked pa, ang pinayagan na mag-angkat ng asukal para sa buong bansa.
“‘Di ba kaduda-duda ‘yan? ‘Di ba sa ganyan nagsisimula ang kartel? Paanong hindi mangangamoy “government-sponsored smuggling” ‘yan?” ayon pa kay Hontiveros.
“‘Wag sanang daanin sa palusot at paikot-ikot ang ating mga kababayan,” dagdag pa ng oposisyong mambabatas.
Banggit pa nito, 450,000 metric tons, mistulang economic sabotage ang ganyan kalaking shipment. Large-scale agricultural smuggling na ‘yan.
Ayon pa sa senadora, sa Anti-Agricultural Smuggling Act (RA 10845), bawal ang pagpasok sa bansa ng asukal na hindi bababa sa P1,000,000 ang halaga, at walang tamang permit.
Sa pag-amin kamakailan ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban, sila ang namili at nag-utos sa tatlong kompanya na mag-import, sana ay handa sila humarap sa ser­yosong mga kasong kriminal at administratibo.
Inamin din ni Usec. Panganiban na ang basehan nila ay hindi Sugar Order mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA) kundi memo lang mula sa Office of the Executive Secretary.
Kung pagbabasehan ang charter ng SRA (EO No. 18, series of 1986), tanging ang SRA – at hindi si Panganiban mismo – ang may kapangyarihan na mag-issue ng permits at licenses gaya ng sugar orders, para sa pag-angkat ng asukal.
oOo
Para sa suhestiyon at sumbong, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
170

Related posts

Leave a Comment