TATLONG SUSPEK SA PAGPATAY SA BASILAN RTC JUDGE, KINASUHAN NA

NAKAPAGHAIN na ng kasong murder ang Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng Police Regional Office 9 (PRO 9) laban sa tatlong suspek na iniuugnay sa pagpatay kay Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Joseph Wee Sit sa Zamboanga City noong Huwebes.

Ayon kay PRO 9 Spokesperson Lt. Col. Shellamie Chang, inihain ang criminal complaint sa Zamboanga City Prosecutor’s Office nitong Sabado, Nobyembre 14, matapos matukoy ang sinasabing gunman ilang oras matapos ang pananambang.

Kabilang sa mga respondent ang isang natukoy na suspek na pinaniniwalaang bumaril sa hukom at dalawa pang hindi pinangalanan na umano’y nagsilbing mga drayber ng motorsiklong ginamit sa pagtakas ng gunman at mga kasabwat nito.

Sinabi ni Chang na isinampa ang mga reklamo matapos ang tuloy-tuloy na case build-up ng Special Investigation Task Group (SITG) “Wee Sit,” na sinuportahan ng mga judicial affidavit, dokumentaryo at forensic evidence na nakalap ng mga imbestigador.

Ayon naman kay PRO 9 Regional Director Brig. Gen. Elmer Ragay, ipinakikita ng paghahain ng kaso ang pagtupad ng pulisya sa tungkuling panagutin ang mga responsable sa pamamagitan ng masusing imbestigasyong nakabatay sa ebidensya at mahigpit na koordinasyon sa mga kinauukulang yunit.

Nabatid na natukoy ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng sinasabing gunman sa pamamagitan ng motorsiklong iniwan nito sa Barangay Maasin, Zamboanga City.

Tinambangan si Judge Wee Sit pasado alas-6 ng umaga noong Huwebes habang patungo sa Zamboanga City port upang tumawid sa Isabela City, Basilan, para gampanan ang kanyang tungkulin bilang presiding judge ng Regional Trial Court Branch 2.

(JESSE RUIZ)

42

Related posts

Leave a Comment