Isinusulong sa Kamara TSUPER NA BIKTIMA NG ABUSADONG TRAFFIC ENFORCER BAYARAN

SA gitna ng kabi-kabilang reklamo laban sa traffic enforcers, isang panukala ang inihain sa Kamara sa hangaring kastiguhin ang abusado habang danyos naman para sa mga tsuper na biktima ng gawa-gawang paglabag sa batas trapiko.

Sa House Bill 3366 na inihain ni 1-Rider party-list Rep. Bonifacio Bosita, babayaran ng estado ang mga driver na hinuhuli ng mga traffic enforcer kapag napatunayan na ilegal at gawa-gawa lang ang mga paglabag ng mga ito sa batas trapiko.

Sa hanay naman ng mapapatunayang abusado sa pagiging tagapangasiwa sa daloy ng trapiko, suspensyon at kasong administratibo ang giit ni Bosita sa mga inilarawan niyang abusadong traffic enforcer.

“Being apprehended by a traffic enforcement personnel can sometimes be a daunting experience especially if the apprehension was improperly made,” paliwanag ng mambabatas.

Paniwala ng bagitong kongresista, karaniwang nangyayari ang gawa-gawang traffic violation dahil sa ticketing quota system kung saan 10 -20% ng kabuuang multa sa bawat paglabag ay inilalaan bilang komisyon para sa nakahuling traffic enforcer.

Sa hangaring pairalin ang hustisya, giit ng mambabatas na bayaran ng estado ang mga biktimang driver ng tatlong ulit ng umiiral na minimum wage, habang mas malaki pa ang panukala kapag umabot sa puntong na-impound ang minamanehong sasakyan.

Para naman sa mga abusadong traffic enforcers, hiling sa probisyon ng kanyang panukala ang mas mabigat na parusa. (BERNARD TAGUINOD)

228

Related posts

Leave a Comment