SUMABOG ang bangkang sinasakyan ng mga pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng grupo na nagtatangkang tumakas sa mga awtoridad sa sagupaan sa Catbalogan City kahapon ng umaga.
Inaalam pa kung kabilang ang mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Austria, kapwa miyembro ng CPP-NPA Politburo at Central Committee official ng CPP-NPA-NDFP sa mga lulan ng bangka.
Ayon kay MGen. Edgardo De Leon, Commander ng 8th Infantry Division, “as of now hindi pa namin naba-validate yun ano, we are tracing back kasi yung information at hand…may sumakay sa bangka na suspicious na na-alert yung aming nakabantay sa mga exit route sa mga bunganga ng mga ilog.
“Hindi nila alam yung prior to (encounter)… so we are now tracing back to confirm sino ba talaga, sino kaya talaga yung naisakay dun sa boat na yun, so kami hindi namin validate as of now and we are doing everything to validate,” pahayag pa ng opisyal.
Sa inisyal na ulat, sumabog ang motorized boat bandang alas-4:00 ng madaling araw.
Sa pahayag na ibinahagi ni AFP Joint Task Force Storm Cpt. Ryan Layug, isang military informant ang nag tip na may grupo ng mga armado na sumakay sa motorized boat na may mga kargang kahon sa dalampasigan ng Catbalogan City.
Agad nagsagawa ng water-borne interdiction operation ang mga tauhan ng Naval Special Operation at Army Special Forces at Army riverine, at nang mamataan ang bangka ay gumamit ng megaphone at tinawag ang pansin ng mga sakay nito.
Subalit hindi pa umano natatapos makapagsalita ang sundalo na may hawak ng megaphone ay sinagot na sila ng sunod-sunod na putok kaya nagkaroon ng engkuwentro na sinundan ng pagsabog ng bangka. (JESSE KABEL)
204
