KALBARYO ANG BIYAHENG NUEVA VIZCAYA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG banas kayo sa trapik sa Metro Manila, lalo kayong mababanas sa Nueva Vizcaya dahil mas matindi ang trapik na sinusuong ng mga motorista dahil sa walang tigil at walang katapusang road repair.

Noong July 19 ng madaling araw, nakaranas ng halos kalahating araw na trapik ang mga motorista sa bahagi ng Bagabag, Nueva Ecija dahil may nasirang container habang papasok sa one way dahil ang kabilang lane ay nire-repair.

Nasiraan daw dakong ng ala-una ng hapon noong July 18 ang trak na may kargang container kaya stop and go ang trapik pero pagdating ng madaling araw ng July 19 ay lumala ang trapik dahil walang nagmamando ng trapiko.

Kanya-kanyang diskarte ang mga motorista lalo na ang maliliit na mga sasakyan habang ang malalaki kasama na ang bus, ay nakatigil kaya mas lumala ang problema at ang epekto sa mga motorista, kalahating araw na naipit na trapik.

Ang ipinagtataka ko lang, bakit ang sipag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagre-repair sa highway ng Nueva Vizcaya at ang haba ng kanilang binabakbak na kalsada na nagdudulot ng problema sa mga motorista?

Sa totoo lang, nanghihinayang ang mga tao sa binabakbak na mga kalsada dahil kahit hindi naman durog ay sinisira, patunay ang buong-buong semento na hinahakot nila sa binungkal na kalsada.

At ang matindi riyan, all year round ang pagre-repair kaya walang araw na hindi natatrapik ang mga motorista na lumuluwas at umuuwi sa bahagi ng Cagayan valley. Parang walang katapusang repair ang ginagawa.

Hindi biro ang gastos dyan sa pagre-repair ng mga kalsada pero ang sipag ng DPWH na mag-repair at kung ang katuwiran nila ay madaling nasisira ang daan dahil sa malalaki at mabibigat na mga trak na dumadaan, bakit ang mga expressway ay hindi agad nasisira ang kanilang kalsada.

Kung kaya ng mga operator ng mga expressway na patatagin ang kanilang mga kalsada kaya kahit malalaki at mabibigat na mga trak ang dumadaan ay hindi basta-basta nasisira, bakit hindi kayang gawin ng DPWH?

Baka dapat bigyang pansin ng Kongreso ang kasipagan ng DPWH sa pagre-repair ng mga highway dahil wala silang tigil sa paggawa at hindi tumatagal ang kanilang proyekto dahil pera ng bayan ang ginagamit dito.

Walang ibang natutuwa dito kundi ang mga kontratista pero matinding epekto ito sa mga motorista at ekonomiya ng mga taga-Norte lalo na’t walang alternatibong daan papuntang Cagayan kung magkakaletse-letse ang trapik sa Nueva Vizcaya dahil sa walang katapusang road repair.

 

179

Related posts

Leave a Comment